top of page
Search
BULGAR

Pagkakakulong at multa sa employer household na hindi hinuhulugan ng kontribusyon sa SSS ang ...

Kanilang katulong

@Buti na lang may SSS | December 27, 2020


Dear SSS,


Magandang araw. Ako po ay nagtrabaho bilang kasambahay ng mahigit isang taon na at sumasahod ako ng P3, 500 kada buwan. Simula ng pumasok ako sa aking amo ay hindi nila ako hinulugan ng SSS. May karapatan ba akong maghabol sa aking mga kontribusyong hindi nila naihulog sa SSS? – Shaira


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Shaira!


Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat kamakailan ay inilabas ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang resulta ng kanilang survey noong nakaraang taon.


Sa naturang pag-aaral ng NWPC, lumabas na 83% ng mahigit na 1.4 milyong kasambahay sa buong bansa ay hindi nasasakop ng SSS. Ibig sabihin, hindi sila nahuhulugan ng kanilang SSS.


Sa ilalim ng Republic Act 10361 o Batas Kasambahay, obligasyon ng mga kumukuha ng katulong o household employer na hulugan ng kontribusyon sa SSS ang kanilang mga kasambahay. Ipinatupad naman ng SSS ang pagsaklaw sa mga kasambahay tulad ng mga labandera, hardinero, yaya, cook, atbp simula Setyembre 1, 1993 kung saan binibigyan ng SSS ng social security benefits ang ating mga kasambahay sa panahon ng kanilang pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, unemployment, pagreretiro, at pagpapalibing o pagkamatay. Sa pagpapatupad ng RA 10361 noong 2013, mandato na ang kanilang pagsaklaw bilang mga employed members na tulad ng ating mga manggagawa sa pribadong sektor.


Sa ilalim ng Batas Kasambahay, kung ang kasambahay ay kumikita sa isang buwan ng mas mababa sa P5,000, sasagutin ng household employer ng buo ang buwanang kontribusyon nito sa SSS. Subalit kung ang kanyang buwanang sahod ay P5,000 o higit pa, ibabawas dito ang kaukulang bahagi ng kasambahay sa kontribusyon sa SSS. Ito ay buwanan ding ibabayad sa SSS ng household employer kasabay ng kanyang kaukulang bahagi sa kontribusyon.


Bukod sa SSS, kailangan ding bayaran ng household employer ang kontribusyon para sa Employees’ Compensation. Sa kasalukuyan, ito ay nagkakahalaga ng P10 kada buwan para sa mga sumasahod ng mas mababa sa P14,750, at P30 para sa sumasahod ng P14,750 o higit pa.


Dahil hindi ka nahuhulugan sa SSS, naipagkait sa iyo na maging kuwalipikado sa mga benepisyo na maaaring tamasin ng mga miyembro ng SSS tulad ng benepisyo sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagkamatay, pagpapalibing, pagreretiro o pagkawala ng trabaho.


Maaari kang maghain ng reklamo laban sa iyong amo ayon na rin sa itinatakda ng Republic Act (No. 11199 o ang Social Security Act of 2018. Magsadya lamang sa pinakamalapit na sangay ng SSS sa inyong lugar at dalhin ang kopya ng inyong payslips bilang katibayan. Dahil hindi kayo nahuhulugan ng kontribusyon, maaaring maapektuhan ang pagkuha ninyo ng mga benepisyo sa SSS. Kung mapatunayang nagkasala ang iyong amo, sisingilin ng SSS ang lahat ng kontribusyon na dapat naihulog nito para sa iyo. Maaari rin siyang mabilanggo at pagbayarin ng multa dahil sa paglabag sa SS Law.

◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page