top of page
Search
BULGAR

Pagkakaiba ng anemia at low blood pressure

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 07, 2021



Dear Doc. Shane,

Maaari ba ninyong talakayin pagkakaiba ng anemia at low blood pressure? Akala ko kasi pareho lang ‘yun. – Justiana Mariah


Sagot

Ang low blood pressure o hypotension ay ang pagkakaroon ng mababang presyon ng dugo sa katawan. Ibig sabihin, mahina ang pagdaloy ng dugo. Kadalasan, ang mga kaso ng low blood pressure ay nakapagdudulot lamang ng mga simpleng sintomas tulad ng pagkahilo at pagkahimatay, ngunit, sa mga malalalang kaso, maaari itong magdulot ng panganib sa buhay. Masasabing low blood pressure kapag ang nakuhang sukat ng presyon ng dugo ay umabot na ng 90/60. Ito ay higit na mababa kaysa sa normal na sukat na 120/80.


Ano ang sanhi ng low blood pressure?

Ang pabagsak ng presyon ng dugo ay maaaring dulot ng mga sumusunod na kondisyon o sakit:

  • Pagbubuntis

  • Kondisyon o sakit sa puso

  • Kondisyon o sakit sa mga glandula ng katawan tulad ng thyroid at adrenal glands

  • Mababang asukal sa dugo o hypoglycemia

  • Diabetes

  • Mababang tubig sa katawan o dehydration

  • Pagkabawas ng dugo

  • Matinding impeksiyon sa katawan

  • Matinding allergy o anaphylaxis

  • Kakulangan ng sustansiya sa katawan tulad ng Vitamin B-12 at folate

  • Mga gamot na iniinom: diuretics, alpha blockers, beta blockers at mga antidepressant.

Sino ang posibleng magkaroon ng low blood pressure?

Ang lahat ng tao ay maaaring makaranas ng mababang presyon ng dugo, ngunit ito ay maaaring mapadalas dahil sa mga sumusunod:

  • Edad 65 pataas

  • Umiinom ng mga gamot na pang-maintenance

  • Mayroong sakit tulad ng Parkinson’s Disease, diabetes at ilang kondisyon sa puso

Posible bang bumaba ang blood pressure kung kulang sa tulog?

Sa totoo lang, ito ay kabaligtaran dahil ang kakulangan ng tulog (mas mababa sa 6 oras ng tulog) ay nakapagdudulot ng pagtaas na presyon ng dugo at hindi pagbaba. Ang pagkahilo o panlalabo ng paningin na nararanasan mula sa bitin na tulog ay maaaring dahil sa biglaang pagtayo mula sa pagkakahiga.


Magkapareho lang ba ang low blood at anemia?

Hindi, ang low blood ay tumutukoy sa mahinang presyon ng dugo habang ang anemia naman ay tumutukoy sa kakulangan ng hemoglobin sa dugo. Magkaiba ang dalawang kondisyon at magkaiba rin ang kanilang gamutan. Ngunit, maaaring magdulot ng magkaparehong epekto sa katawan sapagkat parehong hindi nakaaabot ng tama ang sapat na suplay ng oxygen sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page