ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | October 16, 2020
Dear Doc. Shane,
Palaging nangangati ang aking ilong na nagreresulta ng madalas na pagbahing. Madalas din akong sinisipon pero hindi naman nagtatagal. Hindi ko tuloy alam kung allergy ito o sipon. – Sittie
Sagot
Madalas napagkakamalang sipon ang allergy dahil ang mga sintomas ay pare-pareho — baradong ilong, runny nose, bumabahing at umuubo.
Allergic rhinitis ito kapag:
Masakit at may pangangati ang mata at lalamunan
Ang sintomas ay nararanasan, depende sa panahon
Matagal mawala ang sintomas
Sipon ito kapag:
Nananakit ang katawan
May lagnat
Mabilis ang paglabas ng sintomas at mabilis din nawawala
Ang allergen ay karaniwang hindi mapanganib, pero nagti-“trigger” ito sa allergic reaction. Pollen ang karaniwang allergen na nangyayari sa pagpapalit ng panahon (mainit sa taglamig). Kapag nagsimulang umusbong ang mga bulaklak at puno, maraming pollen sa hangin. Ang mga damo at weeds ay maraming inilalabas na pollen kapag tag-init at taglagas.
Maraming sintomas ang allergic rhinitis na may kaugnayan sa ilong. Sanhi ito ng maraming allergen — alikabok, pollen o animal dander (balakubak na galing sa balat ng hayop), pati na rin mga pagkain.
Maraming bagay ang maaaring makapagpalala o makapagsimula ng kondisyon, tulad ng usok ng sigarilyo, kemikal, malamig na panahon o temperatura, humidity, hangin, polusyon sa hangin, hairspray, pabango o cologne at usok.
Gamot sa allergic rhinitis:
Una sa lahat, kailangang dumaan sa allergy tests tulad ng skin-prick test. Ito ay para malaman kung saan allergic ang tao. Sa pagkakataong ito malalaman ng doktor kung anong gamot sa allergic rhinitis ang ibibigay.
Home remedies:
Isa sa mabisang gamot sa allergy ay ang dehumidifier, high-efficiency particulate air (HEPA) filter, at air purifier para makontrol ang allergies kapag nasa loob ng bahay o anumang lugar. Meron ding mabibiling HEPA filter para sa vacuum cleaner na ginagamit. Karaniwang tinatanggal ang maraming carpet sa bahay kapag napunto nang allergic sa dust mites o alikabok. Kailangan ding labahan ang mga kumot, punda at bedsheets, at ibilad ang kutson at unan kada linggo o mas madalas pa kung maaari. Iwasan din ang pagbukas ng bintana lalo na kung tag-init.
תגובות