top of page

Pagkain, Panata, at Pananalig: Holy Week sa kusina

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni Lester Bautista (OJT) @Life & Style | Apr. 14, 2025





Sa tuwing dumarating ang Mahal na Araw, nagiging panata na ng marami ang pag-aayuno at abstinensya. Ito ay ang hindi pagkain o pagbabawas ng pagkain, at sinasadyang pagpigil ng sarili mula sa mga kasiyahan. Ginagawa ito bilang sakripisyo na huwag kumain ng anumang lutong karne kasabay ng pagtitika at pananalangin.


Isa rin ito sa mga tradisyong matagal nang sinusunod kapag Semana Santa, na kadalasang ginawa ng maraming Katoliko. Pero kung hindi kayang mag-ayuno huwag natin itong pilitin, may ibang paraan naman na puwedeng gawin na makakasunod pa rin sa tradisyong ito.


Dahil hindi okey ang karne, puwedeng alternatibong pagkain ang mga lamang dagat at gulay. Sa ganitong simpleng mga putahe na swak na swak sa budget, mabubusog ka na, magiging healthy ka pa.


Sa unang araw, Lunes Santo, masarap na ulam ang ‘Ginataang Laing’. Dahon ito ng gabi na niluluto sa gata ng niyog na hinaluan ng luya, bawang, sibuyas, at kung minsan ay tinapa o hipon. Solb diyan ang mga tiyan. Sa Martes Santo naman, puwede ang napakasarap na ‘Sinigang na Bangus’.


Maraming klase ito, nasa sa’yo na lamang kung anong luto ang gagawin — sinigang sa miso, sinigang sa bayabas, o sinigang sa sampalok. Tantsa-tantsa lang ang asim niyan at swak na sa panlasa ng buong pamilya. Kung maisipan na magprito sa Miyerkules Santo, perfect d’yan ang ‘Pritong Talong’ na puwedeng samahan ng isda. It’s your choice na better ka-partner, galunggong ba, tilapia, o kahit ano basta fish. Huwag ring kalimutan ang bagoong sa pritong talong.


Well, kung sawa na sa iisang luto ng gulay, ‘Pakbet’ is good for you dahil hindi lang isang gulay kundi sandamakmak pa sila. Nariyan ang kalabasa, sitaw, talong, okra, at ampalaya na perfect match kapag pinagsama-samang veggies, at masarap ihain ‘yan sa Huwebes Santo.


Isa pa sa popular at paboritong food kapag Semana Santa, ang ‘Ginisang Monggo’ na madalas ding kainin tuwing Biyernes. Super sarap nito laluna kung hahaluan ng daing o tinapa. Malinamnam, abot-kaya, at pasok sa panuntunan kapag Biyernes Santo. Maliban sa mga delicious at nutritious ulam, maaaring gumawa ng ‘Salad’, at ‘Lumpiang Sariwa’ pagdating ng Sabado de Gloria.


Fresh, healthy, at easy to make na food. Siyempre importante ang Pasko ng Pagkabuhay o Easter Sunday, kung saan ginugunita natin ang muling pagkabuhay ni Hesu-kristo habang binibigyan tayo ng pagkakataon na magbalik-tanaw sa mga aral na natutuhan sa panahon ng Kuwaresma, at inihahanda rin tayo para sa panibagong yugto ng ating pananampalataya.


Sa araw ng Linggo, puwede na tayong maghanda ng medyo magarbo, selebrasyon ito ng muling pagkabuhay ni Hesus. Maaaring magluto ng baboy, baka, at manok. The best d’yan ang inihaw na pork, kalderetang baka, roasted na manok, etc.


Bukod sa mga putaheng nabanggit, masarap din ang mga kakanin gaya ng suman, bibingka, biko, turon, at puto, laluna sa meryenda sa mga araw ng pag-aayuno.


Sa maraming tahanan, ang paghahanda ng mga akmang pagkain tuwing Holy Week ay hindi lang tungkol sa tradisyon at mga panata kundi ito ay nangangahulugan ng pagsasama-sama ng bawat pamilya sa hapag-kainan sa gitna ng pagninilay-nilay at pagpapasalamat sa pagtubos sa atin ng Panginoon.


At ang pagpili ng mga pagkain sa ganitong mga panahon ay nagpapatunay ng ating malalim na pananampalataya at pagpapakita ng pagsunod sa diwa ng pagsasakripisyo at pananalig.


Ngayong Semana Santa, nawa’y mapuno ng kababaang-loob, pagmamalasakit at pasasalamat ang ating mga kusina habang patuloy tayong mabusog ng pag-asa na bigay ng Poong Maykapal.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page