ni Ryan Sison @Boses | Nov. 13, 2024
Mahigit isang buwan pa bago mag-Pasko, at marami sa atin ang bumibili pa rin ng mga pandekorasyon sa bahay at kung anu-ano pang mga abubot. Pero alam ba nating posibleng magdulot ang mga ito ng pinsala sa atin?
Ayon sa Ecowaste Coalition, dapat na mag-ingat ang publiko sa pagbili ng mga Christmas tree ornaments dahil natuklasan nila na may mga harmful substance o nakapipinsalang sangkap ang mga plastic balls na ginagamit na dekorasyon, bukod pa sa walang labeling information at warning.
Ito ang napatunayan ng toxic watch group sa kanilang nabiling 60 Christmas plastic balls na may mga iba’t ibang kulay, design, at sukat, sa mga retail store sa Divisoria sa Manila, gayundin sa Cubao sa Quezon City.
Sinabi ng Ecowaste, na sa 60 nasuri gamit ang kanilang handheld X-Ray Fluorescence Analyzer, nasa 57 ang nakitaan ng mataas na level ng Bromine, na isang elemento ng kemikal.
Kaya naman payo ng naturang grupo sa lahat ng konsyumer na sa mga awtorisadong pamilihan na lamang mag-purchase ng mga nais na Christmas decorations para maiwasan ang anumang sakuna at disgrasya. Gayundin anila, kailangang mag-ingat at i-check munang mabuti ang label ng mga makikinang at makukulay na pandekorasyon bago ito bilhin.
Mas mainam siguro na bumili na lamang tayo ng mga gusto nating Christmas decor sa mga legit store para hindi na tayo kakaba-kaba na makapinsala sa atin.
Kahit medyo mahal ang presyo kumpara sa mga nabibili lamang sa tabi-tabi na mura ay nakatitiyak naman tayong safe at maayos dahil may mga trademark at label ang mga ito.
Maaari rin kasing pagmulan ang mga dekorasyong ito ng aksidente, bukod pa sa nakitaan ng kemikal na sadyang delikado para sa atin.
Marahil, mas makabubuti rin kung ibibili na lamang natin ng mga pagkain na mas may pakinabang para sa atin at pamilya kaysa bumili tayo ng mga pandekorasyon.
O kaya naman ay gumawa na lang tayo ng mga naturang decor, iyon bang tinatawag na DIY o do it yourself para mapaganda ang ating mga tahanan.
Isipin sana natin na may mga materyal na bagay na ‘di ganu’n kaimportante at hindi kailangang pagkagastusan dahil ang mahalaga ay ang pagsasama-sama ng buong pamilya nang ligtas at puno ng kasiyahan ngayong Kapaskuhan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
コメント