ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Pebrero 13, 2024
Dear Doc Erwin,
Ako ay 26-anyos, may asawa at isang anak na nagtatrabaho sa isang pribadong unibersidad sa Maynila.
May family history kami ng diabetes. Ang aking ama at ina ay parehong may diabetes mellitus type 2. Dahil dito, bata pa ako ay maingat na ako sa pagpili sa aking kinakain.
Sa isang artikulo sa magasin na aking nabasa ay sinabi na makakatulong daw ang pagkain ng whole grains katulad ng brown rice at black rice upang makaiwas sa diabetes.
Totoo ba ito? May mga pag-aaral na ba ang mga dalubhasa tungkol sa pagkain ng brown rice at black rice at epekto nito sa pagkakaroon ng diabetes? Ano ang kaibahan ng whole grains sa refined grains? Dapat ba akong umiwas sa refined grains? Sana ay matugunan ninyo ang aking mga katanungan. Maraming salamat. -- Johnny
Maraming salamat Johnny sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc column. Ganu’n din sa iyong pagbabasa ng column natin at BULGAR newspaper.
Sisikapin namin na masagot ang iyong mga katanungan, ayon sa mga pananaliksik ng mga dalubhasa sa pag-aaral ng epekto ng pagkain ng whole grains sa diabetes.
Ang “whole grains” at “refined grains” ay parehong uri ng bigas o rice na may scientific name na Oryza sativa. Ang brown rice, black rice, purple at red rice ay mga uri ng whole grains. Ang mga nabanggit ay kumpleto ang 3 edible components na bran, germ at endosperm. Dahil dito ay mayaman ang whole grains sa fiber, vitamin B1 at B6, sa minerals na selenium, manganese, phosphorus at magnesium.
Ang whole grains na dumaan sa processing (milling at polishing) kung saan ang mga parte na bran at germ ay tinatanggal at nagiging “refined grains”. Dahil ang natitira na lamang ay ang endosperm na kulay puti, ang refined grains ay karaniwan ng tinatawag na white rice. Dahil sa processing, nawawala ang mga B vitamins, minerals at phytochemicals sa white rice.
Sa iyong katanungan, kung may pananaliksik na ba ang mga dalubhasa sa epekto ng pagkain ng whole grains katulad ng brown rice sa pagkakaroon ng diabetes? Sa isang prospective cohort study at systematic review, kung saan pinag-aralan ang mahigit sa 160,000 na kababaihan, ang kumakain ng whole grains ay bumaba ng 30 porsyento ang posibilidad na magkaroon ng diabetes kumpara sa hindi o madalang kumain ng whole grains. Inilathala ang resulta ng pag-aaral na ito sa scientific journal na PLOS Medicine noong 2007.
Ano naman ang epekto ng pagkain ng refined grains o white rice sa pagkakaroon ng diabetes? Ayon sa resulta ng Nurses’ Health Studies I and II at ng Health Professionals Follow-Up Study, mas tumataas ng 17 porsyento ang risk na magkaroon ng diabetes ang kumakain ng white rice. Inilathala ang pag-aaral na ito noong 2010 sa Archives of Internal Medicine.
Dahil sa mga nabanggit na mga pananaliksik, makakatulong upang makaiwas sa diabetes ang pagkain ng whole grains katulad ng brown rice, black at red rice, at ang pag-iwas sa pagkain ng white rice.
Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik sa BULGAR newspaper at sa Sabi ni Doc column.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments