top of page
Search
BULGAR

Pagkain at inuming mayaman sa fructose, dahilan ng obesity

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 15, 2023




Dear Doc Erwin,

Ako ay 35 taong gulang, may asawa at dalawang anak. Dahil ang aking pamilya ay may family history ng obesity, mula pagkabata ay inalagaan na ng aking ina ang aking pagkain at pinanatiling mababa ang aking timbang.


Bagama’t naging maingat ako sa aking pagkain, sa mga nakaraang buwan ay napansin ko ang unti-unting pagtaas ng aking timbang. Kaya ako ay nag-aalala na sa mga darating na panahon ay tumaba ako nang husto at maging obese katulad ng marami sa aming pamilya. Bukod sa mga kilala nang mga pagkain na nakakataba katulad ng mga pagkain na mataas sa calories, fat at sugar content, mayroon bang mga pagkain na hindi pangkaraniwan na kinokonsidera bilang pagkain na nakakataba ngunit kinakailangang iwasan upang hindi tumaba?


Sana ay inyong matugunan ang aking katanungan at matulungan n’yo akong umiwas sa mga pagkain na maaaring makataba at makasira sa aking kalusugan. Maraming salamat po, Doc Erwin. - Mark Anthony

Maraming salamat Mark Anthony sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng Bulgar newspaper.

Napakaganda ng iyong katanungan. Dahil sa patuloy na pag-aaral ng mga scientist ay nadiskubre nila na may mga uri ng mga pagkain at inumin na maaaring makataba dahil sa kakaibang epekto nito sa ating katawan at kakaibang paraan ng pagpoproseso ng ating katawan sa mga pagkain at inumin na ito.


Ayon sa isang artikulo na inilathala ng Philosophical Transactions of the Royal Society B nito lamang July 24, 2023, naniniwala ang mga scientist sa pangunguna ni Dr. Richard Johnson ng University of Colorado Anschutz Medical Center na ang mga pagkain ng mga food at pag-inom ng mga inumin na mayaman sa fructose, isang uri ng asukal, ay isang dahilan ng epidemya ng obesity sa buong mundo.


Ang mga inumin na mayaman sa fructose ay mga softdrink, soda at mga fruit juice na hinaluan ng maraming fructose upang ito ay sumarap at tumamis. May mga pagkain din na hinaluan ng fructose upang ang mga ito ay maging kaaya-aya sa panlasa katulad ng mga tinapay, crackers, pastries, mga condiment, dips at salad dressings. May mga fastfood din na nabibibili na hinaluan ng fructose.


Dahil sa rami ng pagkain at inumin na hinaluan ng fructose, naging malaganap din ang obesity sa Pilipinas, gayundin sa buong mundo.


Ngunit bakit nga ba tumataba ang mga tao na mahilig kumain at uminom ng mga pagkain at inumin na hinaluan ng fructose?


Ayon sa mga scientist na pinangungunahan ni Dr. Richard Johnson, ito ay dahil sa “survival switch” kung saan ang inihahanda ang ating katawan upang labanan ang krisis na maaaring harapin ng ating katawan katulad ng pagkakasakit o kagutuman. Bagama’t ang fructose ay isang uri ng asukal na maaaring gamitin ng ating katawan bilang “fuel” o “energy”, may kakaiba itong epekto sa ating katawan ayon sa mga scientist.


Ang kakaibang epekto ng fructose sa ating katawan ay tinatawag na “fructose survival response” kung saan binabawasan ng fructose ang paggamit ng ating mga fat stores bilang enerhiya ng ating katawan. Dahil dito, naiipon ang taba sa ating katawan kung madalas ang pagkain at pag-inom ng inumin na mayaman sa fructose. Ito ang dahilan kung kaya’t marami ang tumataba at nagiging obese. Ayon sa mga scientist, ang pagdagdag ng fructose sa mga pagkain at inumin ang dahilan kung bakit laganap sa buong mundo ang obesity.


Sa pag-aaral na ito ng mga scientist, napag-alaman din nila na may mga pagkain at inumin na makakapagpataas ng level ng fructose sa ating katawan. Katulad ng epekto ng pagkain at pag-inom ng inumin na mayaman sa fructose, ang mga pagkain at inumin na nakakapagpataas ng fructose level sa atin ay makakapagpataas din ng ating timbang at maaaring magresulta sa pagtaba o obesity.


Ayon kina Dr. Richard Johnson ang mga pagkain na maalat (salty food), mga alak at beer ay nakaka-stimulate ng polyol pathway, kung saan ikino-convert ng ating katawan ang glucose upang maging fructose. Dahil sa pagtaas ng production ng fructose ng ating katawan sanhi ng maalat na pagkain at pag-inom ng alak ay patuloy na nag-iimbak ng taba ang ating katawan, dahilan kung bakit ang mahilig kumain ng mga pagkain na maalat at uminom ng alak ay tumataba at maaaring maging obese sa katagalan.


Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan at nadagdagan ang iyong kaalaman sa mga pagkain na maaaring magdulot ng obesity.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page