top of page
Search
BULGAR

Pagkahilo at pagkalula kada bakuna, pamamaga ng utak, pangangalay at bulutong, dinanas ng

12-anyos na namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 24, 2021



Labis nating hinahangaan ang mga frontliners sa medical profession sa kanilang mga sakripisyo para maitaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng mamamayan, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Gayunman, may mga kabilang sa kanilang hanay na nagbibigay-batik sa busilak na puti nilang kasuotan at propesyon mismo. Sa kaso ng Dengvaxia, may mga doktor at nars na hindi makakalimutan ng mga magulang ng mga biktima dahil sa hindi mabuting karanasan nila sa mga nabanggit na medical professionals. Kabilang sa nasabing mga magulang sina G. Mark at Gng. Angelica Dioquino ng Bulacan. Ani Gng. Dioquino,


“Nang sinabihan ko ang doktor na nakaharap ko na bakit ayaw nilang i-confine ang aking anak, samantalang siya ay nabakunahan ng Dengvaxia at marapat nilang bigyan ng atensiyon, sinagot niya ako nang pagalit na, ‘Bakit ka naniniwala sa mga pulitika? Nakainam pa nga ang pagturok ng Dengvaxia. Wala pa namang namamatay sa Bulacan, samantalang marami ang naturukan ng Dengvaxia rito.’ Hindi pulitika ang aking pinaniniwalaan, ang tanging nasa isip ko ay mabigyan ng lunas ang sakit na nararamdaman ng aming anak dahil nalalaman kong naghihirap siya at bumabagsak ang kanyang kalusugan, kaya hindi niya masasabi na nakainam sa kalusugan ni Psalm ang nasabing bakuna. Ang mga nars naman, kapag tinatawag namin ay nagagalit at sinasabi nilang nag-iinarte lamang ang aming anak kapag nagrereklamo siya ng pananakit. Sa hitsura raw niya ay hindi naman siya “in-pain.” Sabi pa nga nila, ‘Yan ba ang hitsura ng in-pain?’”


Ang nabanggit ni Gng. Dioquino na “Psalm” ay ang kanilang anak ni G. Dioquino na si Psalm Dioquino, 12-anyos na binawian ng buhay noong Setyembre 2, 2018. Siya ang ika-82 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Psalm ay naturukan ng Dengvaxia nang tatlong beses sa kanilang paaralan; una noong Abril 5, 2016; pangalawa noong Oktubre 7, 2016; at pangatlo noong Hunyo 22, 2017. Inireklamo niya ang pagkahilo at pagkalula pagkatapos ng bawat bakuna niya. Sa iba’t ibang petsa ng Agosto 2017, Abril, Agosto at Setyembre 2018, narito ang ilan sa mga pinagdaanan ni Psalm bago siya binawian ng buhay:

  • Agosto 2017 (at mga sumunod na buwan) - Sumakit ang kanyang tagiliran at tiyan, at nangalay ang kanyang mga paa. Madalas siyang antukin kaya napapadalas ang kanyang pagtulog.

  • Abril 2018 - Nahimatay siya. Nang magkamalay, nagreklamo siya ng pagkahilo at muling pangangalay ng kanyang mga paa at kamay. Pabalik-balik ang mga nararamdaman niyang ito.

  • Agosto 22 at 23, 2018 - Nilagnat siya, nanginginig, sumasakit ang tiyan at nagsusuka. Bigla siyang nahirapang makalakad at isinugod siya sa isang ospital sa Bulacan. Napag-alamang positibo siya sa NS1 test. Sinabihan sila ng doktor na iuwi na muna si Psalm. Dahil hindi mapakali ang kanyang mga magulang, ipinilit nilang ma-admit siya sa ospital, subalit sabi ng doktor, hindi muna siya ia-admit dahil mataas pa ang kanyang platelet count at mapupuno lamang diumano ang nasabing ospital kung siya ay ia-admit. Dahil walang nagawa ang mga magulang ni Psalm, inuwi siya nang araw na ‘yun. Noong Agosto 23, nagpatuloy ang mataas niyang lagnat, pagkahilo, pananakit ng tiyan, pangangalay at pagsusuka, kaya ibinalik siya sa ospital. Hirap siyang kumain, hirap siyang lunukin ang kanyang pagkain at isinusuka niya ito. Patuloy ang mataas niyang lagnat at hindi nawala ang pananakit ng kanyang tiyan. Madalas din siyang nakatulala. Hindi na siya makapagsalita at makapaglakad nang maayos. Lumala ang kanyang kalagayan sa mga sumunod na araw kaya siya ay inilipat sa ibang ospital.

  • Agosto 30 at 31, 2018 - Nag-seizure siya at naduling. Siya rin ay dumumi at nagsuka na may kasamang dugo. Pagkatapos nito, hindi na niya maisara ang kanyang mga mata at hindi na siya makausap. Sa nilipatang ospital kay Psalm, nalaman sa isinagawang CT Scan na namamaga ang kanyang utak. Noong Agosto 31, in-intubate si Psalm dahil hindi maayos ang kanyang paghinga.

  • Setyembre 1 at 2, 2018 - Hirap na hirap na siyang huminga. May lumalabas na dugo sa tubong nakakabit sa bibig niya. Nagkaroon din siya ng bulutong. Noong Setyembre 2, maraming dugo ang lumabas sa bibig niya sa tuwing siya ay sina-suction. Dahil dito, sinalinan siya ng dugo at kritikal na ang kanyang kalagayan. Pagsapit ng tanghali nang araw na ‘yun, tuluyan nang pumanaw si Psalm.

Narito ang damdamin ng mga magulang ni Psalm sa kanyang pagkamatay. Sa medical professionals na tumingin sa kanya, “Hindi sila marunong umintindi sa kalagayan ng mga pasyente. Naiintindihan naming marami silang trabaho, subalit kinakailangan lamang na bigyan nila ng pansin ang mga pasyente nang maayos.” Sa mga responsable sa pagkakabakuna kay Psalm, narito naman ang sinabi nina G. at Gng. Dioquino, “Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aming anak, kaya naman kami ay napagkaitan ng oportunidad na malaman kung ano ang maaaring idulot nito sa kanya. Hindi rin inasistihan ng isang doktor ang pagtuturok sa kanya ng nasabing bakuna. Kung hindi nabakunahan si Psalm ay nabubuhay pa sana siya ngayon dahil wala naman kaming nalalaman na karamdaman niya na maaaring maging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.”


Nais ng pamilya Dioquino na may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna kay Psalm habang clinical trial Phase 3, Peter Smith (WHO ppt.), kaya lumapit sila sa PAO, sa inyong lingkod at PAO Forensic Team. Kasama nila kami ngayon sa kanilang laban — sa legal na paraan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page