@Editorial | September 29, 2021
Nakaaalarma ang tumataas na bilang ng mga insidente ng pang-aabuso.
Sa isang lungsod sa Metro Manila, tumaas umano nang 66 porsiyento ang kaso ng violence against women and children (VAWC) habang higit 21% naman sa rape cases, sa unang walong buwan ng 2021.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng pagtaas ng mga kaso ay ang COVID-19 pandemic, dahil marami umano ang nananatili lang sa bahay at problemado sa pera, na ang resulta ay pagkaburyong.
Kaugnay nito, hinihikayat ng mga awtoridad ang mga biktima na magsumbong at magsampa ng kaso. Napag-alamang noong nakaraang taon ay nagbukas na ng protecting center para sa mga nabibiktima ng pang-aabuso, na nagbibigay ng medical at legal assistance, ganundin ang counseling.
Kailangan talagang matutukan ang isyung ito bago pa tuluyang dumami ang nabibiktima ng pang-aabuso. Huwag nating hayaan na balutin ng karahasan ang sitwasyon.
Sadyang mahirap kalaban ang gutom at kahirapan. Dumarating sa punto na talagang nawawala na sa sarili at nakagagawa ng mali. Pero, huwag naman sanang hayaan na umabot tayo sa ganito. Dagdagan pa ang katatagan, diskarte at huwag mawalan ng pag-asa.
Panawagan naman sa mga ahensiya ng gobyerno, tulungan sana natin ang mga kababayan na talagang hirap maitawid ang isang araw.
コメント