ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | July 24, 2020
Dear Doc. Shane,
Nagkaroon ako ng tulo isang taon na ang nakalilipas at nagamot naman ito sa pag-inom ko ng antibiotic. Pero last month lamang ay muli itong bumalik, may nangyari sa amin ng ex ko na hindi ko alam kung may sakit ba siya o wala. Sa ngayon ay may kinakasama ako at buntis siya. May posibilidad ba na makuha ng anak namin ang sakit ko? Mayroon bang bakuna para sa sakit na ito? – Jeffrey
Sagot
Ang tulo o gonorrhea ay isang uri ng impeksiyong nakakahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Ito ay tinatawag ding STD (sexually transmitted disease).
Ang impeksiyong ito ay nagmumula sa bakterya. Hinahawaan nito ang mga bahagi ng katawan na basa at mainit-init. Halimbawa, ang daluyan ng ihi o urethra, ari ng babae o vagina, ngala-ngala, rectum at iba pang bahagi ng reproductive system ng mga babae, tulad ng matris.
Sintomas:
Pamamaga sa isa sa mga testicle na may kasamang pananakit o pagkahapdi.
Pag-ihi na may kasamang hapdi o pananakit.
Mas madalas na pag-iihi sa kababaihan, na mistulang pagkabalisawsaw.
Pagdudugo ng ari ng babae partikular pagkatapos ng pakikipagtalik.
Pagtatalik na may kasamang pananakit.
Kapag nahawaan ng tulo ang ibang bahagi ng katawan, mayroon din itong nauugnay na sintomas.
Sa puwitan. Mararanasan dito ang paglabas ng nana galing sa puwitan, pati na rin ang masakit o mahapding pakiramdam ‘pag dumurumi at pangangati sa butas ng puwit.
Sa ngala-ngala. Ang mga sintomas nito ay pamamaga ng ngala-ngala at kulani sa may leeg.
Sa kasukasuan. Nagkakaroon ng matinding pagkirot ang kasu-kasuan kapag nahawaan ang mga ito ng tulo. Nakararanas din ang pasyente ng pamamaga at kahirapan sa paggalaw.
Sa mga mata. Nakararanas din ng pananakit, pagnanana at madaling pagkadama ng ilaw o light sensitivity ang mga matang nahawa ng tulo.
Komplikasyon:
Pagkabaog
Pagtaas ng salik sa panganib para sa HIV/AIDS
Pagkalat ng sakit sa mga kasukasuan
Komplikasyon sa mga sanggol
Pag-iwas:
Dahil STD ang tulo, ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ito ay ang hindi pakikipagtalik. Pero kung active ang iyong sex life, umiwas na lamang sa pakikipagtalik sa iba’t ibang tao. Kung alam mo na ang iyong partner ay active ang sex life, magpumilit na gumamit ng condom tuwing kayo ay magtatalik. Ugaliin din ang regular na pagpasusuri sa doktor, lalo na kung ikaw ay lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki.
Tandaan:
Puwedeng mahawaan ang mga sanggol ng tulo kung ang kanilang ina ay mayroon ding sakit noong sila ay manganak. Parehong antibiotic ang ginagamit na gamot sa tulo para sa mga sanggol. Kailangan lamang na tama ang doses.
Kailangang sunding mabuti ang reseta ng doktor upang maging lubos ang bisa ng gamot. Kung may anumang dahilan sa hindi pagkaubos ng iyong mga antibiotic, itapon na ito. Kung sakaling bumalik ang impeksiyon, muling magpakonsulta sa doktor upang mabigyan ng bagong reseta para rito.
Bakuna laban sa tulo
Sa ngayon ay wala pang bakuna laban sa tulo. Habang patuloy ang pananaliksik ng mga eksperto, malaki ang maitutulong ng tamang kaalaman tungkol sa tulo. Halimbawa, tanging sa pakikipagtalik lamang puwedeng makuha ang tulo (maliban lamang sa mga sanggol na isinilang ng inang may sakit).
Kailangan ang ibayong pag-iingat sa pakikipagtalik, lalo na ang paggamit ng condom upang mapababa ang panganib na mahawa o makahawa ng tulo. Mas mabuti rin kung iiwasan ang pagkakaroon ng maraming katalik o sexual partner. Higit sa lahat, maging matapat sa iyong katalik. Alalahaning nagagamot ang tulo at hindi dapat maging hadlang sa isang relasyon.
Comments