top of page
Search
BULGAR

Pagiging palatanong ng bata, iba’t iba ang resulta sa kanilang pagtanda

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| August 19, 2020



Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.

“Do not be afraid to ask questions,” tulad ng nasabi sa nakaraang isyu, ito ang naging gabay ni Albert Einstein sa kanyang buhay, kaya siya ay kinilala bilang may pinakamalakas na impluwensiya sa larangan ng siyensiya at sa buong mundo kung ang pag-uusapan ang mas pinaniwalaan ng maraming pinuno ng mga bansa.


Ayon sa kasaysayan, hinihimok si Einstein na mamuno sa United Nations pero tinanggihan niya ito. Naitala rin sa kasaysayan na siya ay pinipilit na maging presidente sa Israel, pero ito ay mahigpit niya ring inayawan. Kung sa iba in-offer ang once in a lifetime opportunity na ito, tiyak na kanila itong susunggaban.


Pero si Einstein ay hindi. Wala siyang balak mamuno sa kahit anong bansa. Marahil, ang gusto lang niya ay magtanong nang magtanong tulad ng kanyang sinabi na “Do not be afraid to ask questions.” Nakakatuwa at nakakamangha na mayroon palang mas gusto ang magtanong kaysa sa iba pang bagay sa mundo.


Pero ang hindi nakakatuwa na masasabing side effect, kumbaga, sa pag-inom ng mga gamot, ang sinabi niyang ito ay ginagamit ng mga misis at girlfriend kapag nagseselos na may nararamdamang may masamang ginawa ang kanilang mahal.


Tanong nang tanong at parang nag-iimbestiga, tapos tanong pa rin nang tanong kahit sinasagot sila nang tama pero naiirita lang. Tapos, ‘pag nagtanong at sinagot ulit, ganu’n na naman ang nangyayari kahit alam niyang mahal na mahal naman siya ng kanyang kasintahan o asawa.


May makikita rin tayong mga bata na habang lumalaki ay tanong nang tanong sa kanilang mga magulang at kapamilya. Kahit nasagot na, hindi sila nauubusan ng tanong, kung saan ang ganitong musmos na bata ay larawan ni Einstein noong siya ay bata pa.


May anak ka bang tanong nang tanong? Huwag kang maiirita, sa halip ay matuwa ka dahil ayon sa mga sikolohista, ang ganitong bata ay aani ng karangalan at pagkilala sa kanyang pagtanda.


Samantala, may mga tanong nang tanong pero alam naman ang sagot sa kanyang katanungan. Ayon sa mga eksperto, ito naman ay ang mga taong walang mararating sa buhay dahil inuuna ang pagyayabang at kahambugan.


Gayundin, may mga tanong nang tanong pero ayaw namang ilantad ang kanilang mga tanong, kumbaga, sinasarili lang at hindi mo malaman kung mahiyain o ano. Ayon sa mga sikolohista, darating ang sandali sa kanilang buhay na siya ay kikilalanin na may natuklasang bago at kakaibang paniniwala na huhubog sa kaisipan ng tao sa buong mundo.


Mayroon ding tanong nang tanong pero ayaw sabihin o ipaalam kung ano ang kanyang mga tanong. Sa kanyang pagtanda, ayon din sa mga sikolohista, siya ay magtatayo ng sarili niyang relihiyon.


Pero mas marami ang pangkaraniwan lang, nagtatanong nang simple ang mga tao na kadalasan ay tungkol lang sa kanilang personal na interes. Ayon sa mga sikohista, sila ay mga tagasunod sa lipunan, pero may babala na kapag ang kanilang personal na interes ay nasaling, nahadlangan o tinanggal ang mga bagay na kinakapitan ng kanilang personal na ligaya, sila ay magrerebelde at tiyak na babaguhin nila ang gobyernong hindi nakapagbigay ng kanilang personal na saya at ligaya.

Itutuloy

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page