top of page
Search
BULGAR

Pagiging palaban, masipag at positibo ng tandang, daan para maging masaya sa buhay

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 25, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Tandang o Rooster sila ang mga isinilang noong taong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017, at 2029.


Dahil alam ng mga Tandang na matalino sila, hindi sila pumapayag na matalo. Kaya bago pumusta o pumili ng papanigan, sinisigurado ng Tandang na siya ay mananalo. Sa sandaling maramdaman niyang matatalo ang kanyang pinanigan, siguradong gagawa ng paraan ang Tandang upang manalo ang pinustahan niya. Ibig sabihin, masarap kakampi o kasama ang Tandang pagdating sa pakikipagtunggali dahil takot siyang matalo, kaya laging sinisigurado ng Tandang ang panalo bago pa dumating ang aktuwal na labanan.


Ang ikinaganda pa sa Tandang, dahil palaging nag-iisip at may katalinuhan, nagagawa niyang maging simple ang kumplikadong bagay. Kaya kahit ano’ng mabigat na problema ang dumating, hindi niya ito iniinda dahil para sa kanya, ang mga bagay na kanyang pinoproblema ngayon, kinabukasan ay madali lang niya itong masosolusyunan.


Gayundin, ang nakakatuwang parte sa diskarte ng Tandang, kapag mababaw ang problema, nagagawa niya naman itong kumplikado. Minsan ay nasa ilalim na ng ilong niya ang solusyon sa isang simpleng problema, ngunit hindi niya pa matuklasan, na nagiging dahilan upang lalo siyang malungkot at mamroblema. At dahil napaka-complex ng mga salitang inilagay ng Dakilang Lumikha sa utak ng isang Tandang, hindi puwede sa kanya ang mga simpleng bagay dahil gagawain niya itong kumplikado.


Samantala, bagay na makapareha ng Tandang ang isang Baka na walang kamuwang-muwang sa buhay kundi ang tanging interes lamang ay ang magnegosyo, mangalakal, at magpayaman.


Tunay ngang magiging maligaya ang buhay ng Tandang kapag nagkaroon siya ng asawa na hindi tulad niya na masyadong kumplikadong mag-isip—ito ay isang babae o lalaki na may simpleng trabaho, mangatwiran, personalidad at may simpleng pangarap lang sa buhay. Sa piling nito, habambuhay na uunlad at magiging maligaya ang Tandang.


Dagdag pa rito, dahil inaakala ng Tandang na matalino at magaling siya, tunay ngang bihira sa kanila ang tamad. Kaya makikita mo sa Tandang na palaging may pinagkakaabalahan upang magamit ang kanilang uumapaw na enerhiya. Kaya kapag nakatagpo ka ng Tandang na walang ginagawa, tiyak na siya ay sobrang bigo sa buhay.


Karamihan kasi sa pinaniniwalaan ng Tandang ang kanilang tagumpay sa buhay, kaya palagi mo silang matatagpuang positibo, aktibo at nagkukunwaring masaya.


At dahil sa taglay na galing, aktibo at laging postibo sa buhay, minsan ay nagiging magara ang kanilang suwerte at kapalaran. Ang kuwento ng magsasaka na nakahukay ng kayamanan sa gitna ng kanyang bukirin ay siyang eksaktong kuwento sa buhay ng isang Tandang.


Ibig sabihin, sa kakakilos ng kung anu-ano at palaging masigla, makakatagpo ang Tandang ng dambuhalang suwerte at magandang kapalaran nang hindi niya inaasahan.


Itutuloy


Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page