ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-13 Araw ng Abril, 2024
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.
Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Tigre o Tiger.
Ang Tigre o Tiger ay silang mga isinilang noong taong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022.
Sinasabing likas sa Tigre ang pagiging makatao at maawain lalo na pagdating sa mga mahihirap. Dahil mababa ang loob ng isang Tigre sa mga less fortunate na nilalang, kung kaya’t madalas na siya ay naloloko ng mga taong nagpapanggap na may mabigat na pangangailangan. Kapag may nagmakaawa sa isang Tigre, madaling nababagabag ang kanyang loob, kaya madalas siyang naloloko ng mga taong mapagsamantala.
Kaya naman sinasabing kung hindi mag-iingat ang isang Tigre, muli na namang mauulit ang dating nangyari sa kanya, lalo na ngayong Green Wood Dragon, tiyak na mabibiktima na naman siya ng budul-budol at may babala na maloko na naman siya ng malaking halaga ngayong 2024.
Bagama’t malihim, sinasabi rin na kapag nakapalagayan mo ng loob ang isang Tigre, kahit gaano pa ito kalihim, tiyak na ikukuwento niya ang lahat sa iyo at wala siyang ililihim tungkol sa kanyang buhay.
Gustung-gusto ng isang Tigre na maipahayag ang kanyang saloobin, gayundin ang kanyang ideya, kakaibang experiences niya sa mga taong nakakaunawa sa kanyang kalagayan. Sa mga ganitong uri ng tao, labis na napapamahal ang isang Tigre nang hindi niya sinasadya, dahil dito niya nararamdaman na natagpo na siya ng shoulder to lean on na poprotekta, uunawa, magtatanggol at magmamahal sa kanya habambuhay.
Sa career, kabuhayan at pagnenegosyo, ang Tigre ay may sariling unique at kakaibang style sa pananamit. Kapag na-develop niya ito nang husto, ang nasabing aspeto ang magiging dahilan kung bakit siya kikilanin, kaya maaari siyang kumita ng limpak-limpak na salapi sa mga ideya at style niyang kakaiba. Ito rin ang puwede niyang gawing kalakal o negosyo sa mga bagay na kakaiba at unique na siya lang ang nakakaisip at nakaka-appreciate.
Dagdag dito, sinasabi ring mahilig ang isang Tigre sa mga libangan na mapanganib at puno nang pakikipagsapalaran, tulad ng stunt, race car, driving, daredevil sports at iba pa.
Puwede rin sa kanya ang career o gawaing may kaugnayan sa public entertainment profession. Sa mga nasabing larangan nakatakdang kumita ng malaking halaga ang Tigre at ito rin ang maaaring magpayaman sa kanya.
Sa aspetong pangkabuhayan, sinasabing madaling kumita ng pera o ang isang Tigre, ang problema lang sa kanya, kung minsan ay sobra siyang maawain at mababa ang loob, kaya ang kadalasang nangyayari ay nauuto siya ng mga malalapit niyang kaibigan.
Ang masakit pa rito, dahil sa pagiging tanga ng Tigre, ‘yung mga kaibigan niyang dati nang nanloko sa kanya ay nagagawa pa rin niyang patawarin. Kaya ang ending, hindi niya namamalayang paulit-ulit na pala siyang naloloko ng mga kaibigan niya.
Ang mas masaklap pa, hindi iyon alam ng Tigre na paulit-ulit na pala siyang naloloko at naiisahan ng kanyang mga walang kuwentang kaibigan, dahil kapag sinabi mo ito sa kanya, imbes na kampihan ka niya mas ipagtatanggol pa niya ang mga kaibigan niyang nanloko sa kanya.
Hangga’t hindi natututo o nauumpog ang Tigre sa mali niyang nakaugaling ito, kahit yumaman siya nang yumaman, mabilis pa ring mauubos ang kanyang kabuhayan, maliban na lang kung makakapag-asawa siya ng isang tusong Tandang, materyosong Baka at mautak na Ahas, na sasawata sa mga mali niyang pag-uugali.
Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.
Comentarios