ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 02, 2021
Minsan pa ay napatunayan ang kasabihang ‘kalabaw lang ang tumatanda’ makaraang tanghaling pinakamatandang bantamweight champion sa kasaysayan ng boksing sa buong mundo ang Pinoy-pride na si Nonito Donaire, Jr.
Kaya nga agad tayong nagsumite ng resolusyon bilang pagkilala at pagbati sa ipinamalas na husay ng tinaguriang ‘The Filipino Flash’ dahil sa pagkakaagaw nito ng titulo bilang World Boxing Council (WBC) Bantamweight Champion na ginanap noong Mayo 29, 2021 sa Carson, California.
Marami ang namangha sa muling pagbabalik ni Donaire nang humigit-kumulang sa dalawang taon itong nahinto sa paglalaro makaraang pataubin ni ‘Japanese Monster’ Naoya Inoue sa pinakahuli nitong laban noong 2019.
Mistulang batang nagsisimula pa lamang sa boksing ang sabik na sabik magpakawala ng mga suntok ang bagong Donaire na ating nasaksihan dahil sa ipinakita nitong liksi ng mga paa at bilis ng mga kombinasyon ng suntok.
Hindi nakaporma ang lyamado at wala pang talong French-Moroccan fighter na si Nordine Oubaali sa kanilang paghaharap sa Dignity Health Sports Park Stadium sa nabanggit na lugar.
Sa edad na 38-anyos, ang boksingerong Pinoy ay may record na 40 wins, 26 sa mga ito ay knockout na may 6 na talo lamang at halos kinopo nito ang lahat ng round hanggang sa mapabagsak nito ng dalawang ulit sa ikatlong round ang defending champion na si Oubaali.
Si Oubaali na may 17 panalo ay hindi pa nakararanas ng talo at 12 sa mga ito puro knockout kaya marami ang nabigla sa dalawang ulit niyang pagbagsak sa ikatlong round dahil ito pa lamang ang kauna-unahan niyang pagbagsak sa kasaysayan ng kanyang career.
Agad naman itong binilangan ng referee, ngunit nagawa pa rin ni Oubaali na umabot sa ika-apat na round kung saan ay puro malalakas na suntok ang tinamo nito mula kay Donaire na sinundan pa ng mga panibagong kombinasyon hanggang sa ito ay bumagsak dahilan para tuluyan nang itigil ng referee ang laban.
Ang pagkakapanalo ni Donaire ay hindi ordinaryong panalo tulad noong una niyang mapanalunan ang pareho ring titulo noong 2011 nang talunin niya si Fernando Montiel ng Mexico.
Iginuhit ni Donaire ang bagong record sa kasaysayan ng boksing bilang pinakamatandang bantamweight challenger na nakasungkit ng kampeonato at sa pamamagitan pa ng knockout.
Si Donaire na four-division world boxing champion ay isa ring World Boxing Hall of Fame “Most Outstanding Boxer of the Year” sa 2007, at naging “Fighter of the Year” din noong 2012 bago pa muling nagbalik sa larangan ng boksing.
Marapat lang na kilalanin natin ang pagsisikap na ito ni Donaire dahil sa hindi ito tumigil sa kanyang mithiin na maging undisputed bantamweight champion ng buong mundo at patuloy ang kanyang pagsisikap para maipakita ang kanyang pagmamahal sa larangang ito.
Maituturing na inspirasyon si Donaire na sa kabila nang mga kabiguan sa larong ito ay hindi siya natinag at hindi naging hadlang maging ang kanyang edad para makapag-uwi ng karangalan sa ating bansa.
Sa puntong ito ng career ni Donaire ay nagising niya ang natutulog na pag-asa ng maraming manlalaro na labis ding naapektuhan ng kasalukuyang pandemya at muling tumaas ang moral ng mga atletang Pinoy na makapag-uwi rin ng karangalan sa bansa.
Ang pinakahuling tagumpay ni Donaire ay malaking karagdagan para sa kanyang mga narating sa larangang ito bilang mahusay na boksingero at malaking dahilan din para minsan pa nating ipagmalaki na tayo ay Pilipino.
Kaya nga taos mula sa aking puso ang isinumite kong resolusyon sa Senado para bigyang-pagkilala ang napakalaking karangalang inihandog ni Donaire sa ating bansa na muli tayong magkaroon ng WBC Bantamweight Champion.
May nakuha tayong impormasyon na plano ni Donaire na balikan ang tinaguriang ‘Japanese Monster’ na si Inoue, ang boksingerong nagpatumba sa kaniya at halos magpatigil na sa kaniyang pagiging boksingero.
Sakaling magkaroon ng katuparan ang pangarap ni Donaire ay makaaasa siyang nasa likod niya ang sambayanang Pilipino na hindi lang suporta ang kayang ihandog kung hindi ang mataimtim na panalangin na sana ay mapagtagumpayan niya ang inaasam-asam na labang ito.
Muli ay ipinagmamalaki at ikinararangal natin ang ‘The Filipino Flash’ na si Nonito Donaire, Jr. ang ating kampeon. Congratulations Junjun!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments