ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | March 2, 2021
Mas mataas na arawang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ang inaasahan ng mga eksperto ng UP-OCTA Research Group kung magpapatuloy ang trend sa pagtaas nito na nag-umpisa noong mga nakaraang araw kung saan giit ng mga eksperto, posibleng umabot sa 2,500 ang arawang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Matatandaang noong Sabado, naitala ang 2,921 bagong kaso ng COVID-19, pero bumaba naman ito sa 2,113 noong Linggo.
Binigyang-diin ng mga eksperto na ang naturang pagtaas ng COVID-19 cases ay maaaring dulot ng mga nagdaang selebrasyon tulad ng Valentine’s Day at maging ang Chinese New Year kung saan marami ang lumabas at namasyal, pero pangunahing dahilan umano ang maaaring pagkakumpiyansa ng publiko.
Samantala, naniniwala rin ang Department of Health (DOH) na ang pagbabawas sa ilang quarantine restrictions at ang maluwag naman na pagtugon ng mga lokal na pamahalaan ang isa sa mga maaaring dahilan ng muling pag-angat ng COVID-19 cases.
Kapansin-pansin nga ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ilang lugar sa bansa, partikular sa Metro Manila. Sa Pasay City, may pinakamalaking itinaas ng mga kaso, na dahilan para isailalim sa “localized lockdown” ang nasa 56 barangay. Kasabay nito, binabantayan din ng OCTA Research ang posibleng pagtaas ng mga kaso Manila, Quezon City at Makati.
Sa totoo lang, marami talagang dahilan ng pagtaas ng COVID-19 cases at kung sakali mang pumalo ito sa 2,500 kada araw, hindi nakapagtataka dahil hanggang ngayon, napakaraming pasaway.
Kahit may curfew, kapansin-pansing napakaraming istambay. Dikit-dikit, walang mga facemask at madalas, nag-iinuman pa. Ang iba naman, todo-lakwatsa at dedma sa mga health protocols.
Kahit patuloy ang mga paalala at babala tungkol sa virus, wa’ ‘wenta kung hindi makikinig ang taumbayan.
Isa pa, kampante ang marami dahil may bakuna na, pero hindi ito sapat para umastang normal na ang lahat. Paalala lang, marami pa ho tayong pagdaraanan kaya utang na loob, pairalin pa rin ang disiplina at wastong pag-iingat sa lahat ng oras.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments