ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | Sep. 29, 2024
KATANUNGAN
Masaya na ako sa buhay dalaga. Kaya lang, pinag-aasawa na ako ng mga magulang ko. May kani-kanya na kasing asawa ang mga kapatid ko at ako na lang ang dalaga sa amin. Madalas din akong asarin ng mga officemate ko dahil may hitsura naman daw ako, pero bakit ko raw binuburo ang beauty ko?
May mga manliligaw naman ako, pero ‘di ko naman sila type. Mas gugustuhin ko pa ngang mag-isa kesa na may makasamang asungot na lalaki sa buhay ko.
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil kapag tiningnan mo ang reyalidad, mahirap din naman talagang tumandang dalaga. At isa pa, mukhang masaya kapag may baby kang kinakarga o inaalagaan.
Sa palagay n’yo, okey lang ba na ‘wag na akong mag-asawa o mas maganda na magka-baby na lang? Maestro, makapag-aasawa pa ba ako o dapat ko nang ihanda ang aking sarili sa pagtandang dalaga? Dapat na ba akong mag-ampon o manghiram na lang ako ng pamangkin ko para kung saka-sakaling tumanda akong dalaga, may mag-aalaga pa rin sa akin?
KASAGUTAN
Siyempre, masarap magka-baby, higit lalo kung sa mismong sinapupunan mo nanggaling ang malusog na sanggol upang maranasan mo ang sinasabi nilang, “Joy of being a mom!”
Sa totoo lang, masarap maging isang ina— mag-alaga, kumarga, maghele at magpasuso ng isang sanggol, na kapag minamasdan mo habang siya ay yakap-yakap at natutulog ay masasabi mo sa iyong sarili na, “Sa akin talaga ito nanggaling at kamukhang-kamukha ko siya.”
Samantala, kapansin-pansin ang medyo napadulo pero nanatili pa ring malinaw at matatag na kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na kahit ayaw mo pa, natatakot ka, at medyo hindi ka komportable kapag nagka-boyfriend at nag-asawa ka, wala ring magagawa ang kahinaan ng loob at pag-aalala mo. Dahil tulad ng nasabi na, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, isang lalaking balingkinitan ang pangangatawan, medyo kasing-edad mo rin ang darating, liligawan ka niya at dahil sa panahong ‘yun ay masyado ka na ring pine-pressure ng mga taong nasa paligid mo, sa maikling panahon ng kanyang panliligaw, sasagutin mo siya at tuluyan na ring mabubuo ang isang seryoso at maligayang pagmamahalan na hahantong sa isang mabilisan, pero pinaghandaang pagpapakasal.
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Honey, bagama’t relaks at kampante na ang buhay mo kahit wala kang boyfriend dahil may trabaho ka naman at wala kang gaanong pinoproblema sa buhay, alalahanin mo pa rin na hindi nananatiling bata at malakas ang iyong pangangatawan. Darating ang panahong tatanda ka at kapag medyo nagkaka-edad ka na at may mga sakit nang nararamdaman, saka mo maiisip ang katotohanang mas okey mag-asawa para may makasama ka sa iyong pagtanda.
Base sa iyong mga datos, nakatakdang mangyari sa 2026, sa edad mong 36 pataas ang isang masaya at panghabambuhay na pag-aasawa na itatala sa iyong kapalaran. Lilipas ang isang taon pa at sa panahong isinilang na ang panganay n’yong anak at habang kalung-kalong mo siya, masasabi mong tama si Maestro Honorio Ong, dahil walang kasing sarap sa pakiramdam ang dulot na kaligayahan ang pagkakaroon ng unang anak at ang pakiramdam ng pagiging isang ganap na ina.
Comments