ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 16, 2021
Hanggang ngayon, hindi pa rin tapos ang diskusyon hinggil sa naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi dapat maging mapili ang mga Pilipino sa bakuna vs. COVID-19 gayung libre naman ito.
As usual, inulan ito ng iba’t ibang reaksiyon sa publiko, gayundin sa ilang opisyal ng gobyerno.
Kaugnay nito, napatanong tuloy ang isang mambabatas ng, “Gaano kahirap magpakita ng simpatya sa panahong ito?”
Giit ng mambabatas, dapat pagsabihan ng Palasyo ang tagapagsalita dahil hindi umano nakatutulong ang insensitive at aroganteng pananalita nito sa damdamin ng publiko.
Bagama’t kinikilala ang pagsisikap ng Inter-Agency Task Force at vaccine czar na makabili ng COVID-19 vaccines, hindi umano dapat palampasin ang mga aroganteng pahayag ng opisyal.
Sa totoo lang, maraming nadidismaya sa paraan ng pagsasalita ng ni Spox Roque.
Anila, parang hindi opisyal ng gobyerno ang nagsasalita dahil madalas, baluktot na katwiran ang ibinibigay nito sa mamamayang humihingi ng mahusay na serbisyo.
Ngayong panahon ng pandemya, mas kailangan ng taumbayan ang inyong lubos na pang-unawa at simpatya. Kaya utang na loob, maging sensitibo naman tayo sa mga pahayag na ating binibitiwan, lalo pa’t anumang gawin o sabihin n’yo ay dala-dala n’yo ang pangalan ng gobyerno.
Bilang opisyal, dapat ninyong ipakita na kayo ay handang magserbisyo sa publiko, anuman ang kalagayan ng bansa.
Kumbaga, gawin ninyong makabuluhan ang inyong pagsisilbi sa bayan dahil mas magandang tumatak sa publiko ang inyong magandang serbisyo at hindi ang pagiging arogante.
Tandaan, ang bawat ginagawa n’yo ay may epekto sa publiko at ngayong nakikipaglaban tayo sa pandemya, maging mabuti tayo sa isa’t isa — mapa-salita man ‘yan o gawa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments