ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 15, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Monkey o Unggoy ngayong Year of the Metal Rat.
Alalahaning ang Unggoy o Monkey ay nahahati sa limang uri o klase, batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:
Metal Monkey o Bakal na Unggoy - mga isinilang noong 1920 at 1980
Water Monkey o Tubig na Unggoy - mga isinilang noong 1932 at 1992
Wood Monkey o Kahoy na Unggoy - mga isinilang noong 1944 at 2004
Fire Monkey o Apoy na Unggoy - mga isinilang noong 1956 at 2016
Earth Monkey o Lupa na Unggoy - mga isinilang noong 1908 at 1968
Noong nakaraang araw, tinalakay natin ang kapalaran ng Metal Monkey at sa pagkakataong ito, pag-usapan naman natin ang magiging kapalaran ng Water Monkey o Tubig na Unggoy.
Dahil sa katatagan at kakaibang tapang ng Water Monkey, anumang mga pagsubok ang dumating sa kanyang buhay na dala ng COVID-19 pandemic, ito ay agad niyang malalabanan at mapagtatagumpayan. May mga pagkakataon pang dahil sa pandemya, ito ang magiging stepping stone ng Tubig na Unggoy upang lalong umunlad at mapalago ang kanyang kabuhayan, basta’t patuloy niyang gagamitin ang talas ng kanyang isipan at praktikalidad.
Bukod pa rito, may kakayahan din ang Tubig na Unggoy na bumuo ng grupo ng tao na mapaniniwala niya sa iisang layunin. Ang husay na ito na humikayat ng tao na susunod sa kanya ay kanyang mapakikinabangan ngayong panahon ng pandemya upang lalo pa niyang mapalago ang kanyang kabuhayan.
Gayunman, dahil minsan ay likas sa Water Monkey ang pagiging agresibo at dominante, ang ugaling ito ay dapat na isinasantabi ngayong may pandemya. Ito ay dahil ang pagiging arogante at dominante ay siya namang anay na sisira sa magagandang pundasyon ng kabuhayan at materyal na bagay na madaling maitatayo ng Tubig na Unggoy ngayong may krisis sa ekonomiya at kalusugan sa buong mundo.
Tandaang ang pagiging kampante, mahinahon, may mabuting kaisipan at mabait sa mga kasama at tauhan ang bertud na kailangang-kailangan patatagin ng Tubig na Unggoy sa kanyang mga nasasakupan upang masigurado ang tuluy-tuloy na maunlad at papalagong kabuhayan, hindi lamang ngayong 2020, bagkus, lalago at patuloy na madaragdagan ang kabuhayan ng Water Monkey hanggang sumapit ang 2021.
Sa panahon ding ito, inaasahan na magkakaroon ng sari-saring source of income ang Tubig na Unggoy at sa dinami-rami ng pagkakakitaan, ito na rin ang magiging isang panahon sa iyong buhay upang makaipon. Samantalahin mo ang pagkakataong ito na itabi at lalo pang paramihin ang iyong ipon at kabuhayan dahil minsan lamang dumating ang napakaganda at masaganang pagkakataon sa iyong buhay.
Sa pag-ibig, tandaang kindness is all that matters. Sa panahong ito ng iyong buhay, sa aspetong pandamdamin, ang pagiging mabuti at mabait ang magdadala sa iyo sa maligaya at panghabambuhay na pag-ibig.
Kaya naman kung ikaw ay may kasintahan, kinakasama o asawa, wala kang ibang dapat gawin kundi magpakabait. Habang ginagawa mo ito, lalo kang pagsisilbihan ng kapalaran na maghahatid sa iyo sa maligaya at panghabambuhay na pag-ibig.
Kung ikaw naman ay dalaga o binata, ganu’n din ang pormula. Basta’t magpakabait ka at magpakabuti, ngayong 2020 hanggang 2021, sa hindi mo inaasahang lugar at pagkakataon, isang masaya at nakakikilig na pag-ibig ang dahan-dahang mabubuo na ite-treasure mo habambuhay.
Itutuloy
Kommentare