ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 10, 2024
Masarap sa pakiramdam nating mga Pilipino kapag ang ating mga atleta na lumalahok sa international competitions ay nakapag-uuwi ng karangalan sa ating bansa.
Nararamdaman din natin ang pagmamalaki sa tuwing tinutugtog ang ating Pambansang Awit kapag sinasabitan ng mga medalya ang ating mga atleta. Sa mga ganitong pagkakataon, damang-dama natin ang pagiging Pilipino — na hinahangaan ng buong mundo.Kaya naman bilang chair ng Senate Committee on Sports at vice chair ng Senate Finance Committee, patuloy tayo sa ating adbokasiya na palaganapin ang mga programang pampalakasan sa ating bansa at higit na maging competitive ang ating mga atleta sa iba’t ibang larangan.Sinuportahan natin ang Philippine Sports Commission para magkaroon ito ng sapat na pondo ngayong 2024. Mula sa inisyal na panukala na PhP174 milyon sa National Expenditure Program ay napataas natin ito sa PhP1.156 bilyon — na naaprubahan sa General Appropriations Act sa tulong ng ating kapwa mambabatas sa pamumuno rin ni Senate Finance Committee Chairman Sen. Sonny Angara.Bilang sponsor ng budget para sa sports sa Senado, sa deliberasyon pa lang ay binigyang-diin na natin na kailangan ng sapat na pondo para sa grassroots sports programs, ang ating paglahok sa international competitions, at rehabilitasyon ng ating sport facilities.Kabilang sa paglalaanan ng pondong PhP275 milyon ang pagpapaayos ng ating dalawang mahalagang sports facilities — ang PhilSports Complex sa Pasig City, at ang Rizal Memorial Complex sa Maynila. Napakalaking tulong ng dalawang pasilidad na ito sa pag-unlad ng ating sports kaya kailangang isailalim sa rehabilitasyon para makapagsanay ang ating mga atleta batay sa international standards. Bukod dito, magkakaroon din sila ng mas conducive environment sa kanilang pag-eensayo.Kabilang din sa paglalaanan ng sports budget ngayong taon ang paghahanda, pagsasanay at paglahok ng ating mga atleta sa 2024 Olympic Games sa Paris, France, kung saan naglaan tayo ng PhP52 milyon. Para naman sa 2024 Winter Youth Olympics, may nakalaan dito na PhP15 milyon, habang ang mga lalahok sa Paralympic Paris 2024 ay may PhP15 milyon.Ilan pa sa mahahalagang paggagamitan ng pondo sa sports ang Batang Pinoy Program na may PhP40 milyong budget ngayong taon. Ang programang ito ay nakatuon sa pagtuklas at paghasa sa ating mga kabataan na malaki ang potensyal. Makatatanggap naman ang Philippine National Games ng PhP50 milyon, habang may PhP10 milyon para sa Philippine National Para Games. May pondo ring nakalaan bilang tulong pinansyal sa ating mga atleta, at maging sa pagpapaunlad ng mga programang pampalakasan sa mga komunidad, sa pagdaraos ng sports clinics, festivals at mga kaugnay na aktibidad.Naglaan din ng PhP10 milyon para sa Laro’t Saya sa Parke. Ang layunin nito ay maengganyo ang pagpapalaganap ng sports at iba pang libangan sa mga pampublikong lugar. Makatatanggap din ang Philippine National Anti-Doping Organization ng PhP10 milyon.Kasama rin sa 2024 sports budget ang PhP20 milyon para sa regional training coordination and program development.
Dagdag pa rito ang PhP30 milyon para naman sa BIMP-EAGA Friendship Games, at PhP10 milyon para sa Indigenous Peoples Games. Ang lahat ng ito ay bahagi ng ating adbokasiya na lahat ng sulok ng ating bansa ay dapat na kabilang sa mas komprehensibong pagpapaunlad ng ating sport programs.Noong December 2023 ay inisponsoran natin sa Senado ang Senate Bill No. 2514 na tayo rin ang may-akda kasama sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Majority Floor Leader Sen. Joel Villanueva. Layunin nito na ma-institutionalize ang Philippine National Games, at magkaroon ng mas pangmatagalang balangkas ang pagpapaunlad ng sports sa ating bansa. Kung makapasa at maging ganap na batas, sa ilalim nito ay mas magiging malawak at inklusibo ang programang pampalakasan, magiging bahagi ang ating para-athletes, at ang pagtatakda ng pagdaraos ng biennial games para mas marami ang makalahok sa mga idaraos na kumpetisyon.Samantala, tuluy-tuloy naman ang ating paghahatid ng serbisyo sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis.Namahagi tayo ng tulong sa mga naging biktima ng sunog gaya ng isang residente ng Polomolok, South Cotabato; 48 sa Navotas City; 15 sa Malabon City; anim sa General Santos City; 283 sa Brgy. Tugbungan, Zamboanga City; at 61 sa Angono, Rizal.Natulungan din natin ang 119 na residente ng Maitum, Sarangani; 23 sa Cotabato City; at 11 sa General Santos City. Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap din ng tulong mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang ating isinulong noon para may pambili sila ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagtatayong muli ng kanilang tahanan.Malaki ang papel ng sports sa pag-unlad ng isang bansa at sa pagpapalaganap ng bayanihan, pagkakaisa, disiplina at pagtatagumpay lalo na ng mga kabataan. Para sa akin, bilang tayo rin ang chair ng Senate Committee on Health, may koneksyon ang pagpapaunlad ng sports sa ating bansa para mapalaganap ang fit and healthy lifestyle sa bawat Pilipino — hindi lamang sa mga atleta. Naniniwala rin ako na ang sports ay mabisang paraan para mailayo ang ating mga kabataan sa kaway ng ilegal na droga.Ayaw kong masayang ang inumpisahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na labanan ang ilegal na droga. Tulad ng aking laging payo sa mga kabataan, get into sports, stay away from drugs and keep us healthy and fit. Kapag tayo ay fit, healthy tayo. Kapag tayo ay healthy, hahaba ang ating buhay.
Para naman sa lahat nating kababayan, pangalagaan natin ang kalusugan ng bawat isa dahil katumbas iyan ng buhay ng bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments