top of page
Search
BULGAR

Paghingi ng danyos sa may-ari ng naputol na puno

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 18, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta, 


Ang kapitbahay namin ay may puno na nakatanim malapit sa daanan. Ito ay nakalihis at tila malapit nang maputol. Sinabihan namin siya na kung maaari ay putulin na niya ito dahil baka may matamaan, lalo na ang mga bata sa amin. Ipinagwalang-bahala niya lang ito. Kaya naman inilapit namin ito sa aming barangay, at nang pumunta sila upang putulin ang puno ay umalma ang aming kapitbahay. Isang araw habang naglalaro ang aking anak kasama ang kanyang mga kaibigan ay tuluyan nang naputol ang nasabing puno at natamaan ang aking anak. Siya ay nagtamo ng mga sugat at naospital. Nu’ng sinisingil namin ng danyos ang aming kapitbahay ay tumanggi siya dahil wala naman diumanong may kagustuhan sa nangyari. Maaari bang tanggalin ng barangay namin ang nasabing puno at maaari ba kaming humingi ng danyos? — Mercy


 

Dear Mercy,


Ayon sa Article 483 ng New Civil Code, kung ang isang puno ay nag-aambang bumagsak at maaaring magdulot ng perhuwisyo sa anumang ari-arian o sa sinumang tao, obligasyon ng may-ari na putulin ito. Narito ang pahayag ng batas: 


ARTICLE 483. Whenever a large tree threatens to fall in such a way as to cause damage to the land or tenement of another or to travelers over a public or private road, the owner of the tree shall be obliged to fell and remove it; and should he not do so, it shall be done at his expense by order of the administrative authorities.”


Malinaw ang nakasaad sa batas na obligasyon ng may-ari na putulin ang puno kung ito ay magdudulot ng panganib sa anumang pag-aari ng ibang tao o sa mga taong dumaraan sa nasabing lugar. Kung tatanggi ang may-ari na putulin ito at nagbabadya itong magdulot ng panganib, maaari itong putulin ng otoridad at singilin sa may-ari ang nagastos. 


Kung mayroon namang mapeperhuwisyo ang nasabing puno, nakasaad sa Article 2191(3) ng New Civil Code na: 


ARTICLE 2191. Proprietors shall also be responsible for damages caused: xxx


(3) By the falling of trees situated at or near highways or lanes, if not caused by force majeure;”


Sa iyong sitwasyon, maaaring putulin ng mga tauhan ng barangay ang nasabing puno dahil sa ito ay maaaring magdulot ng panganib sa mga dumaraan sa nasabing lugar. Dahil hindi ginawa ng iyong kapitbahay ang kanyang obligasyon na tanggalin ito, at lalong higit dahil sa pagpigil niya sa mga tauhan ng barangay, maaari siyang managot sa sinapit ng iyong anak at maaari kang humingi ng danyos sa kanya. 

 

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page