top of page
Search
  • BULGAR

Paghingi ng danyos sa hotel base sa 'attractive nuisance'

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 26, 2024


Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta, 


Kumita ako ng malaki sa trabaho kaya dinala ko ang aking mga magulang at mga anak sa isang mamahaling hotel dito sa Maynila. Habang ako ay nagbabayad sa kahera ng hotel, naglibot-libot muna ang aking mga magulang kasama ang mga bata.


Sila ay pumunta sa iba’t ibang pasilidad ng hotel hanggang sa sila ay napadpad sa swimming pool. Ang panganay kong anak ay naakit sa isang maliit na padulasan na nakakonekta sa swimming pool. Noong oras na iyon ay wala ring lifeguard sa lugar.


Kaya naman sinubukan niyang umakyat ng padulasan ngunit siya ay nauntog. 

Ako ay tinawag kaagad ng aking nanay at nakita ko na may bukol ang anak ko at may napansin akong pagdurugo sa kanyang ulo. Dinala siya sa pagamutan sa loob ng hotel, ngunit inabisuhan kami na kailangan din siyang madala agad sa ospital.


Sumubok akong sulatan ang hotel para humingi ng danyos ngunit ayaw nilang magbigay dahil diumano ay nilapatan naman na nila ang aking anak ng pangunang lunas. Sinabi rin nila na dapat ay binantayang mabuti ng aking mga magulang ang mga bata. Nais ko lang malaman kung maaari ba kong makahingi ng danyos mula sa hotel?


-- Heidi


 

Dear Heidi,


Ayon sa kasong Karlos Aleta vs. Sofitel Philippine Plaza, Manila, (GR No. 228150, January 11, 2023), ipinaliwanag ni Honorable Senior Associate Justice Marvic Leonen, na maaaring magkaroon ng pananagutan ang isang hotel, kung may batang naaksidente dahil sumubok siyang lumapit sa swimming pool na may padulasan. Ito ay dahil sa konsepto na tinatawag na “attractive nuisance.”  Narito ang pagpapaliwanag: 


One who maintains on his premises dangerous instrumentalities or appliances of a character likely to attract children in play, and who fails to exercise ordinary care to prevent children from playing therewith or resorting thereto, is liable to a child of tender years who is injured thereby, even if the child is technically a trespasser in the premises.”


Bago ang kasong ito, may naunang kasong dinesisyunan ang Korte Suprema, kung saan sinabi na walang pananagutan ang may-ari ng malaking tangke ng tubig sa mga batang naglaro at nalunod doon. Ang paliwanag dito ay dahil hindi kinonsidera ng Korte Suprema ang swimming pool o malalaking tangke ng tubig bilang “attractive nuisance.” Ang rason nito ay dahil ang kalikasan ay talaga namang nagtataglay ng iba’t ibang anyong tubig. Kaya naman, ang mga magulang ay dapat binibilinan ang kanilang mga anak na huwag maglangoy sa ilog, sa dagat, o sa ano pa mang anyong tubig dahil maaari silang malunod. Kaya kung ang isang taong naglagay ng swimming pool sa kanyang lupa ay hindi kaagad magkakaroon ng pananagutan kung may batang naglaro doon at nalunod. 


Ngunit, iba ang sitwasyon kung ang swimming pool ay nilagyan ng may-ari ng mga padulasan o iba’t ibang mga palamuti na maaaring umengganyo sa mga bata. Sa puntong ito ay maaari nang magkaroon ng pananagutan ang may-ari. Narito ang eksaktong desisyon ng Korte Suprema: 


Here, the records show that there were two slides installed with slopes ending at the kiddie pool. Taking Hidalgo into consideration, although the swimming pool alone may not be considered as an attractive nuisance, the kiddie pool’s close proximity to the slides formed an unusual condition or artificial feature intended to attract children. In other words, the installation of the slides with slopes ending over the swimming pool's waters makes it an attractive nuisance.


By this reason, respondent was duty bound to undertake protective measures to ensure the children’s safety. It was respondent’s responsibility to guarantee that appropriate safeguards were in place within the attractive nuisance in order to protect children against the injury from unknown or unseen dangers.”


Sa madaling salita, ang paglalagay ng padulasan o iba pang mga palamuti sa swimming pool, na nakakaakit sa mata ng bata, ay maaaring magpataw ng pananagutan sa may-ari nito para sa pinsalang maaaring idulot nito. 


Sa iyong sitwasyon, maaari kang makahingi ng danyos mula sa hotel dahil base sa iyong salaysay, ang pinsala ay nangyari sa padulasan na nakakabit sa swimming pool. Ayon sa iyo, wala ring mga tauhan ng hotel na nagbabantay sa swimming pool noong nangyari ang insidente. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page