top of page
Search
BULGAR

Paghandaan pa rin ang budget laban sa COVID next year

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | November 13, 2021



Habang isinusulat natin ‘to, patuloy ang ating pag-sponsor sa Senado, sa ilalim ng komite ng inyong lingkod, ang Senate Committee on Finance sa Pambansang Budget para sa taong 2022.


Sa mahigit P5 trilyong proposed national budget for 2022, pangatlo ang Department of Health sa mga departamentong sinentruhan ng pondo. Aabot sa mahigit P226 bilyon ang ilalaang budget sa DOH, matapos dagdagan ng ating komite ng P91 bilyon ang kanilang pondo.


Kadalasan, hindi ganyan ang prayoridad na ibinibigay sa health department. Noon, kung hindi pang-apat sa top 10 departments, pang-lima sila o pang-anim. Pero dahil nasa pandemya tayo, dapat talagang pondohan sila nang malaki. Pero siyempre, nangunguna pa rin sa budget ang Department of Education at ang infrastructure.


Hindi pa rin natin masasabi — na porke bumababa ang COVID cases ngayon, hindi na ito magtutuluy-tuloy ito. Isinaalang-alang din natin sa pagbibigay ng mataas na pondo sa DOH ang posibilidad na magkaroon ng panibagong COVID variant. Hindi naman sa gusto nating mangyari ‘yan, pero dahil sa kakayahan ng virus na makapag-mutate, kailangang paghandaan talaga.


Para malinaw, sa ilalim ng bersiyon ng Senado sa 2022 budget, pinaglaanan natin sila ng P22,717, 828 habang tinataya namang P80 bilyon ang matatanggap ng PhilHealth.


Para naman sa specialty hospitals tulad ng Lung Center of the Philippines, NKTI, PCMC, Philippine Heart Center at ang Philippine Institute of Traditional Alternative Health Care, naglaan naman tayo ng P5.6 bilyon.


Para sa Department of Education, naglaan tayo ng kabuuang P593.5 bilyon mula sa kabuuang P738.6 bilyon na allocated budget para sa education sector. Kasama riyan ang P78.1 bilyon para sa SUCs; P14.9 bilyon para sa TESDA at P52 bilyon para sa Commission on Higher Education.


Kaukulang P665.53 bilyon naman ang alokasyon para sa DPWH sa ilalim ng Senate version ng 2022 National Budget.


Hindi pa natin masasabing pinal ang mga numerong nabanggit natin, dahil isasailalim pa rin ang report ng komite sa masusing pagbusisi ng mga kasamahan nating senador.


Pero umaasa tayong lulusot ang proposed national budget ngayong Nobyembre 25 at para maihanda na ang 2022 budget spending plan sa bicameral conference, kasama ang mga counterpart natin sa House of Representatives. Dito, paplantsahin ng mga mambabatas at ng mga senador ang ilang magkakasalungat na probisyon tungkol sa proposed national budget.



 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page