ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 10, 2021
Dear Doc. Shane,
Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa meningococcemia? Nagkaroon ako ng kasambahay na may 2 years old na anak. Itinakbo sa ospital ang bata at nalaman na ito raw ay may ganyang sakit na posibleng nakuha sa ama na may sakit dahil palagi niyang kinakarga ang bata at hinahalikan pa malapit sa bibig ang bata. – Dindy
Sagot
Malalang sakit ang meningococcemia na dulot ng impeksiyon ng bakterya sa itaas na bahagi ng daluyan ng paghinga at sa daluyan ng dugo. Ito ay maaaring makamatay kung mapababayaan. Sa simula, ang bakterya ay maaaring manirahan sa itaas na bahagi ng daluyan ng paghinga (loob ng ilong at lalamunan) nang walang ipinakikitang anumang karamdaman o sintomas ngunit, kinalaunan kung ito ay makapasok sa daluyan ng dugo, maaaring magsimula ang pagkakaroon ng mga sakit.
Ang sakit na ito ay kalat sa buong mundo at maaaring nag-iiba-iba ang uri depende kung saang bansa ito nakaaapekto. May mga uri ng meningococcal infection sa mga bansang nasa Gitnang Silangan.
Ano ang sanhi ng meningococcemia?
Ito ay nakukuha mula sa maliliit na patak o droplets mula sa bibig at ilong ng taong may sakit. Maaari rin itong makuha mula sa ubo, bahing, pakikipaghalikan at iba pang malapitang pakikisalamuha sa taong may sakit.
Ano ang mga salik na nagpapataas ng posibilidad na mahawa nito?
Ang pagkakaroon ng malapitang pakikisalamuha sa taong apektado ng sakit ang pangunahing salik na nakapagpapataas ng panganib ng pagkakahawa nito. Tumataas din ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit kung magtutungo sa mga lugar na napababalitang may kaso nito.
Ano ang posibleng komplikasyon ng meningococcemia?
Maaaring magdulot ng ilang mas seryosong kondisyon ang pagkakasakit ng meningococcemia. kabilang dito ang mga sumusunod:
Arthritis, pagkamatay at pagkabulok (gangrene) ng ilang bahagi ng katawan na hindi nararating ng dugo, pamamaga ng mga daluyan ng dugo dahil sa impeksiyon, impeksiyon sa puso, pagkasira ng adrenal glands.
Comentários