ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Dec. 18, 2024
Kahit malapit na ang Pasko at karamihan sa atin ay abalang-abala na sa pagsalubong sa espesyal na okasyong ito, tuluy-tuloy ang inyong Senator Kuya Bong Go sa paghahatid ng serbisyo lalo na sa mga nangangailangan.
Sinimulan natin ang linggong ito sa pagbisita sa ating mga kababayan sa Batangas noong Lunes para personal na saksihan ang inagurasyon ng Super Health Center sa San Jose. Matapos ang inagurasyon, namahagi tayo ng tulong para sa 420 na mga barangay health workers, municipal health staff, senior citizens, grupo ng mga kababaihan at mga empleyado ng lokal na pamahalaan. Pinasalamatan natin ang mga lokal na opisyal na naroroon kabilang sina Mayor Valentino Patron, Vice Mayor Renji Arcilla, at mga konsehal.
Kahapon, dumalo rin tayo sa inagurasyon ng isa pang Super Health Center na itinayo naman sa Lumban, Laguna kasama si Mayor Ding Valeda, Vice Mayor Belen Raga at iba pang opisyal. Nagbigay din tayo ng suporta sa 139 health workers at 135 displaced workers doon. Bilang adopted son ng CALABARZON, patuloy ang aking pagsisikap na makatulong sa inyo.
Ang pagpapatayo ng mga Super Health Center sa buong bansa, lalo na sa malalayong komunidad, ay sinusuportahan natin bilang chairperson ng Senate Committee on Health upang mapalakas ang ating healthcare system at mailapit sa mga kababayan ang pangunahing serbisyong pangkalusugan.
Sa kasalukuyan ay mahigit 700 Super Health Centers ang napaglaanan na ng pondo para maipatayo sa ating pakikipagtulungan bilang vice chairperson ng Senate Finance Committee kasama ang DOH, mga kapwa mambabatas at mga lokal na pamahalaan.
Naniniwala ako na health is wealth, at ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Kaya sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatiba ay mas matutugunan ang pangangailangang pangkalusugan sa mga komunidad lalo na pagdating sa early disease detection, primary care at konsultasyon, na kailangan para maagapan ang paglala ng sakit.
Sa kakaikot ko sa buong Pilipinas, naobserbahan ko na maraming bayan ay walang maayos na health facilities. May mga buntis na nanganganak sa tricycle o jeepney at may emergency cases na inaabutan na sa bahay o sa daan ng kamatayan dahil napakalayo ng ospital. Ngayon, inilapit natin ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng mga inisyatibang ganito.
Bukod sa Super Health Center ay naririyan din ang Malasakit Centers na ating sinimulan noong 2018 at na-institutionalize noong 2019 sa pamamagitan ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act na tayo ang principal sponsor at author.
Dito ay makakakuha ang mga benepisyaryo ng tulong pampagamot mula sa Department of Social Welfare and Development, Department of Health, PhilHealth, at Philippine Charity Sweepstakes Office. Isa itong paraan para siguraduhing walang Pilipinong mapapabayaan pagdating sa kalusugan. Batay sa datos ng DOH, may 166 Malasakit Centers na sa buong bansa at mahigit 15 milyong kababayan na natin ang natutulungan ng programang ito.
Sama-sama nating ilapit ang serbisyo sa tao. Kaya noong December 16 ay muli nating binigyan ng tulong ang 452 residente ng Tondo, Manila, na naging biktima ng sunog. Nakatanggap din sila ng emergency housing assistance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa pagpapatayong muli ng kanilang tahanan.
Kahapon, December 17, personal din nating sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong new Lumban Municipal Hall sa Laguna na napondohan sa ating inisyatiba kasama si Mayor Rolando Ubatay. Nagpapasalamat din tayo sa lokal na pamahalaan ng Lumban sa pagdedeklara sa atin bilang adopted son ng bayan.
Namahagi rin ng tulong ang aking opisina sa 545 mahihirap na residente ng Virac at San Andres, Catanduanes, na sa ating inisyatiba ay nakatanggap din ng tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan, katuwang si Mayor Leo Mendoza at Mayor Samuel Laynes.
Nagkaloob naman ang aking Malasakit Team ng dagdag na suporta sa 424 estudyante ng University of Batangas; at 211 scholars sa Cebu. Nakapamahagi rin tayo ng tulong para sa ilang mga solo parents at transport workers sa Muntinlupa City.
Samantala, nasa Tanjay City, Negros Oriental rin ang aking team at dumalo sa kanilang Bodbod Festival sa paanyaya ni Mayor Jose Orlino. Suportado natin ang pagpapanatili at pagpapayabong ng kulturang Pilipino.
Sinaksihan din ng aking opisina kasama si Mayor Mar Mission ang inagurasyon ng itinayong multipurpose building sa San Remigio, Antique na ating sinuportahang mapondohan.
Ngayong panahon ng Kapaskuhan, ipakita natin ang tunay na kahuluhan ng okasyong ito sa pamamagitan ng pagmamalasakit, pagtulong at pagserbisyo sa kapwa sa abot ng ating makakaya. Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa inyo anuman ang panahon at nasaan man kayo sa Pilipinas dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Коментарі