top of page
Search
BULGAR

Paghahanda sa panahon ng La Niña

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 22, 2021


Ramdam na ang sunud-sunod at maraming pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil panahon na ng La Niña na posibleng magtaas sa panganib dulot ng pagbaha, landslide at iba pang sakuna, partikular sa mga baybaying-dagat ng bansa.


Ang iba’t ibang weather system kabilang na ang northeast monsoon o amihan na palagi nating nararanasan sa huling bahagi ng taon ay maaaring magdala ng grabeng pag-ulan, ayon mismo sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).


Ang pagpasok umano ng La Niña ay cool phase ng El Niño Southern Oscillation, natural na pangyayari sa ating panahon dulot ng climate change na maging ang mga eksperto ay hindi maipaliwanag.


Ayon pa sa PAG-ASA, sa pinakahuli nilang pagtataya ay lumalabas na nasa 70 porsiyento hanggang 80 porsiyento ang tsansa ng pormasyon ng La Niña sa bansa sa huling quarter ng 2021 at dahil dito, ang monsoon activity at hangin mula sa silangan ay higit na malakas.


Ang eastern seaboard na direktang nakaharap sa Pacific Ocean kung saan nagmumula ang tropical cyclones (TCs) ay posibleng magdulot ng malaking epekto sa maraming lugar sa bansa.


Ang pagbuo ng maraming TCs at ang pangyayari ng mas higit sa normal na pag-ulan dulot ng pagkapal ng maraming ulap ay bahagi ng epekto ng La Niña sa umiiral na klima sa Pilipinas.


Base sa pinakahuling ulat ng weather bureau, ang malaking bahagi ng bansa ay makararanas ng malapit sa normal o higit sa normal na pag-ulan mula ngayon Oktubre hanggang sa buong Disyembre ng taong kasalukuyan.


Ang forecast ng PAG-ASA ay aabot sa 49 lalawigan ang makararanas ng mas mataas sa normal na pag-ulan ngayong Oktubre, 51 lalawigan naman sa Nobyembre at 25 lalawigan sa buwan ng Disyembre na pawang napakataas umano ng mga posibilidad nito.


Ang La Niña na inaasahang mananatali lamang sa huling quarter ng taon ay may posibilidad din umanong magpumilit pa hanggang sa unang quarter ng 2022 base pa rin sa pagtataya ng PAG-ASA.


Sa susunod na taon ay posible pa rin umano ang mas mataas sa normal na pag-ulan sa 48 lalawigan sa buwan ng Enero, 56 laalwigan sa buwan ng Pebrero at 46 lalawigan sa buwan ng Marso.


Ang La Niña ay weather phenomena na inilalarawan sa hindi inasahang paglamig ng karagatan sa Equatorial Pacific na nagdudulot ng pagtaas ng bilang ng tropical storms sa Pacific Ocean.


Dahil dito ay nagkakaroon ito ng malaking epekto sa ating kalusugan tulad ng mga sakit na may kaugnayan sa kontaminadong tubig dahil sa madalas na pagbaha, partikular ang pagkakaroon ng acute gastroenteritis, typhoid fever, cholera at Hepatitis A.


Mga sakit na nakukuha sa paglusong sa baha na kontaminado naman ng ihi ng daga tulad ng leptospirosis na hanggang sa kasalukuyan ay napakataas pa rin ng kaso sa maraming lalawigan.


Kabi-kabila rin ang pagtaas ng kaso ng mga sakit na dala naman ng lamok, tulad ng dengue at malaria na parehong nakamamatay kung hindi agad mabibigyan ng karampatang lunas sa mas mabilis na panahon.


Kapag walang hinto ang pagbuhos ng ulan ay mataas din ang kaso ng mga aksidente na karaniwang marami ang nagkakaroon ng pinsala tulad ng contusions, lacerations, fractures at nakukuryente.


Kaya sa panahong ito ay ipinaaalala natin ang ibayong pag-iingat, tulad ng pagpapakulo ng inuming tubig na kapag kumulo na ay huwag agad papatayin ang apoy at panatilihing kumukulo pa sa loob ng dalawang minuto o higit pa, magsagawa rin ng water chlorination.


Kung sa panahon ng pandemya ay bahagi ng health protocol ang paghuhugas ng mga kamay ay mas lalo pa nating paigtingin ang paghuhugas bago tayo maghanda ng ating kakainin, lalo na kung galing tayo sa palikuran.


Hangga’t maaari ay iwasan lumusong sa baha at kung hindi maiiwasan ay gumamit ng bota at kung hindi kaya ng bota at talagang nalubog na sa baha ay agad na magtungo sa malapit na health center upang mabigyan ng sapat ng medikasyon.


Linisin ding mabuti ang kapaligiran at ‘wag hayaang may mga lugar na puwedeng manatili ang tubig na posibleng pamahayan ng lamok upang makaiwas sa dengue at malaria.


Sa panahon ng pagbaha ay makabubuting manatili na lamang sa loob ng bahay o kung saan inabutan ng malakas na ulan at iwasang maligo sa baha na karaniwang ginagawa ng mga batang hindi nababantayan.


Dapat palaging naka-monitor sa radyo at telebisyon para sa flood advisory upang makahanap ng mas mataas na lugar sakaling patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan at iwasang tumawid sa malalalim na lugar at mga tulay sa panahon ng paglikas.


Kunsabagay, sa panahong ito na kahit malayo pa ang kampanya ay ramdam na ang pagkilos ng mga kandidato, kaya hindi mahirap ang padating ng mga tulong sakaling magkaroon ng kalamidad dahil kahit hindi pa halal na opisyal ay mabilis na nagbibigay ng ayuda.


May kasabihan nga na sana araw-araw ay Pasko, pero parang mas maganda kung araw-araw ay kampanya para mas marami ang tumutulong kahit hindi nilalapitan ay nagkukusa na!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page