top of page
Search

Paghahanda sa pagsabog ng bulkan

BULGAR

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | June 7, 2022


Binisita ulit natin kahapon ang Tagaytay kung saan tanaw ang sikat na Taal Volcano. Bakit


ito sumikat? Una sa lahat, natatangi ang anyo at lokasyon ng bulkan sapagkat ito ay matatagpuan sa isang islang nakapaloob sa isang lawa kung kaya’t libu-libo ang turistang dumarayo rito kada taon.


Pangalawa, ang Taal Volcano ang tinaguriang pinakamaliit na aktibong bulkan sa buong mundo. At dahil na rin sa pagiging aktibo ng Taal, maraming nakakilala sa kanya pagpasok ng taong 2020 dahil nauna lamang nang bahagya ang pagputok ng bulkan kaysa sa pandemya.


Matatandaang umabot sa Metro Manila ang ibinubugang abo ng Taal, habang libu-libong pamilya ang nawalan ng bahay. Isa ang inyong lingkod sa mga nanguna sa pamamagitan ng mga NGOs sa Metro Manila upang makapagpadala ng tulong noon sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan, at ang prayoridad ay tubig, pagkain at mga damit, at sa pamamagitan ng ating mga kasamang NGOs ay patuloy na tumutulong sa mga biktima ng samu’t saring kalamidad sa bansa kapares na lamang ng binabantayan ngayong pagsabog ng Mount Bulusan sa Sorsogon. Puwersahan na ang pagpapaalis sa mga residente ng Buraburan, Sangkayon, Puting Sapa, Añog, Bacolod, Catanusan, at Guruyan.


Ano nga ba ang mga unang dapat gawin bago, habang at pagkatapos ng pagsabog ng bulkan kung ikaw ay nakatira sa paligid ng isa o nagkataong bumibisita sa lugar na may pasabog na bulkan?


Bago sumabog ang bulkan:


1. Maghanda ng emergency bag kung sakaling kailangang lumikas. Mahalagang nakapaloob sa inyong emergency bags ang sumusunod:


● N95 facemask na siyang nagbibigay-proteksiyon laban sa abong mula sa bulkan

● Mga gamot at first aid kit kabilang na ang alkohol, betadine, gunting at band aide

● Tubig

● Flashlight at baterya at kandila at posporo

● Powerbank

● Mga kopya ng mga importanteng dokumento


2. Lumikas agad kung nakatira o nananatili sa radius ng mga apektadong lugar. Maraming senyales na namo-monitor ang ahensiya nating PHIVOLCS bago ang pagsabog kung kaya’t malaking responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan ang agarang pagbibigay ng babala sa mga nasasakupan nilang malapit sa bulkan. Kailangang may nakahandang plano at estratehiya ang LGUs upang maagapan ang pagsalba sa mga apektado ng anumang pagsabog.


3. Manatiling nakatutok sa balita upang malaman ang sitwasyon at manatiling may kaalaman sa mga lokal na planong pangkaligtasan at mga evacuation area. Alamin ang mga mapagkakatiwalaang source ng impormasyon, lalo na at nauso ang fake news sa paglaganap ng social media. Tandaan, ang maling impormasyon, lalo na sa mga ganitong sitwasyon ay higit na mapanganib.


4. May kaakibat mang panganib ang naglipanang fake news ng social media, nananatili pa rin itong napakahalagang source ng impormasyon, at higit sa lahat, isang paraan upang makahingi ng tulong sa oras ng mga sakuna, kung kaya’t huwag kalimutan mag-charge ng cell phone, electronic devices at power bank kung sakaling maputol ang kuryente.


5. Alamin ang mga disaster hotline at iba pang emergency hotline. Ilan sa mga importanteng numero na dapat naka-save sa inyong mga telepono at nakasulat sa papel na hindi mawawala ay ang sumusunod:


● PHIVOLCs – (02) 8426-1468 - 79

● National Emergency Hotline: 911

● Philippine Red Cross – 143 o (02) 8790-2300

● Pambansang Pulisya ng Pilipinas: 117

● National Disaster Risk Reduction And Management Council (NDRRMC) – (02)

8911-5061 - 65 local 100

● Bureau of Fire Protection – (02) 8426-0246


Habang sumasabog na ang bulkan:


1. Magsuot agad ng N95 mask bilang proteksiyon laban sa mga sakit sa bagang dulot nang paglanghap ng abo. Kung sakaling walang mahagilap na N95, tulad ng nangyaring shortage noong 2020 pagsabog ng Taal, basain ang panyo o tela upang takpan ang ilong.


2. Humanap agad ng masisilungang lugar sakaling bumagsak ang bato o abo. Masama rin sa balat at mata ang abo na mula sa pagsabog ng bulkan kung kayat punasan o hugasan agad ang balat sa hindi inaasahang pagkakataong ikaw ay malagyan nito.


3. Kung ikaw ay nasa loob ng bahay, isara ang lahat ng pinto at bintana.


4. Kung nagmamaneho ng sasakyan, huminto at itabi ang sasakyan sa safe na lugar.


5. Lumayo sa mga ilog o sapa upang maiwasan ang pagdaloy ng lahar.


Pagkatapos ng pagsabog:


1. Manatili sa loob ng inyong bahay hanggat wala pang abiso na ligtas nang lumabas ayon sa mga kinauukulan.


2. Ituloy ang pagsuot ng proteksiyon para sa inyong mga baga, mata at balat kapag naglilinis na ng abong dulot ng pagsabog.


3. Linisin ng tubig ang iyong mga kanal at bubong pagkatapos alisin ang abo.


Sa dami ng bulkan sa Pilipinas, hindi na bago ang mga ganitong pagsabog, subalit marami pa rin ang nakakalimot na maging handa.


Tandaan, ang pagiging handa ay malaking susi ng kaligtasan, lalo na sa panahon ng mga

sakuna.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page