ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 26, 2022
Nadudurog ang puso ko habang pinapanood ang balita kung paano nanalasa ang Bagyong Florita sa mga kababayan natin sa Isabela, Cagayan at mga karatig na lugar. Hindi pa ito kasinlakas ng mga nagdaang bagyo sa ating bansa, pero dahil maraming dalang ulan ay nagdulot ng mga pagbaha at dagdag-hirap.
Masakit sa kalooban na makitang sinira ng Bagyong Florita ang kabuhayan ng ating mga kababayan. Natangay ng rumaragasang baha ang mga alagang hayop na pambenta na sana at mga pananim na aanihin na rin sana sa susunod na mga buwan at linggo. Apektado ang mga negosyo at pinagkukunan ng ikabubuhay. Ang mga tahanan ay nawasak. Napakahirap para sa kanila ang magsimulang muli.
Naghahanda na po ang aking tanggapan at nakikipag-ugnayan sa LGUs at iba pang ahensya ng pamahalaan para agad na makapaghatid ng ayuda sa mga kababayan nating naapektuhan ng Bagyong Florita.
Panahon na ng pagdating ng mga bagyo, kaya mag-iingat kayo at maging palaging handa. Kapag may anunsyo ng paparating na bagyo ay huwag balewalain.
Kapag may opisyal na anunsyo na ang ating pamahalaan na may paparating na bagyo ay palaging abangan ang updates sa radyo, TV at sa social media. Sundin ang payo ng mga awtoridad kung kinakailangang lumikas, lalo na sa mga idineklarang danger zones.
Tiyakin din na may sapat na suplay ng pagkain at tubig na tatagal para sa buong pamilya sa loob ng tatlong araw. Mahalagang may emergency bag na bukod sa first aid kit ay may mga gamot para sa lagnat, ubo at sipon, flashlight at silbato. At kung hindi matibay ang bahay, siguraduhing malalagyan ng suporta ang mga bubong at poste. Ang mahahalagang dokumento ay ilagay sa plastic bag para hindi mabasa. Siguraduhin ding fully charged ang mga cellphones.
Maraming dalang sakit ang bagyo at baha tulad ng dengue at leptospirosis, kaya kailangan ang todong pag-iingat. Ugaliin ang maligo o maglinis ng katawan kung hindi maiiwasang lumusong sa baha.
Dumamay at magmalasakit din tayo sa ating mga kapitbahay, lalo na ang mga masyadong nasalanta. Kung may maibibigay tayo para sa kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng damit, pagkain at pansamantalang matutuluyan, ipagkaloob natin. Masarap sa damdamin ang nakatutulong sa ating kapwa.
Dahil sa Bagyong Florita ay lalo tayong naging pursigido na maisulong ang mga panukala na isinumite sa 19th Congress na kung maisasabatas ay magiging bahagi ng solusyon sa mga problemang hatid ng mga kalamidad. Una na ang paglikha sa Department of Disaster Resilience. Layunin nitong mapabilis ang mga mekanismo sa paghahanda kapag may kalamidad at iba pang emergency. Kapag naitatag ang DDR, may sarili itong kalihim na magbibigay ng mas malinaw na direktiba sa iba pang sangay ng pamahalaan kung paano tutugunan ang sitwasyon bago dumating at pagkatapos ng kalamidad.
Nariyan din ang panukalang Mandatory Evacuation Center Act of 2022. Layunin nito na magtayo ng matitibay na evacuation center sa bawat probinsiya, lungsod at munisipalidad. Dito pansamantalang tutuloy ang mga apektadong residente. Bukod sa maayos na tulugan at palikuran, kumpleto ito sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, tubig, gamot, kumot at mga damit.
Isa pa ang Rental Housing Subsidy Bill na ang layunin naman ay pagkalooban ng rental housing subsidy ang mga Pilipinong nawalan ng tirahan para mayroon silang disenteng matitirahan at gastusin habang hindi pa naitatayong muli ang kanilang bahay o inihahanap pa sila ng relokasyon.
Ilalaban natin ang mga ito sa Senado, maging ang mga nauna nating prayoridad na panukalang batas dahil napapanahon at ito ang talagang solusyon sa mga suliraning palaging kinahaharap ng ating mga kababayan kapag may kalamidad.
Samantala, sa kabila ng aking pagiging abala sa Senado ay tuluy-tuloy pa rin ang malasakit at serbisyong Kuya Bong Go para sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis.
Maagap nating pinagkalooban ng tulong ang mga pamilyang naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 20 sa Cebu City; 17 sa Paco, Maynila; anim sa San Jose del Monte City, Bulacan; lima sa Tanjay City, Negros Oriental; gayundin ang 205 na pamilya mula sa Ipil, Zamboanga Sibugay.
Hindi rin natin kinalimutan ang 1,000 biktima ng bagyong Odette sa Bais City, Negros Oriental.
Naghatid din tayo ng ayuda sa mahihirap na residente ng iba’t ibang komunidad para gumaan ang kanilang dalahin. Napangiti natin ang 1,666 benepisaryo sa lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan; 1,000 sa Arayat, Pampanga; 1,000 sa Nasugbu, at 666 sa San Jose, Batangas; 734 sa Pila, Laguna at 333 sa Lopez, Quezon.
Para maipagpatuloy ang kanilang maliit na negosyo, inayudahan din natin ang 228 micro entrepreneurs sa Jamindan, Capiz.
Mga kababayan ko, hindi tayo nauubusan ng mga pagsubok na kinakaharap araw-araw. Maaasahan ninyo na habang tinutupad ko ang aking tungkulin bilang inyong senador at lingkod bayan, laging una sa akin ang kabutihan at kapakanan ng lahat. Isang prebilehiyo at karangalan para sa atin na mapaglingkuran kayo at ang aking mga adhikain ay maging bahagi ng sama-samang pagkakamit ng komportableng buhay ng bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments