ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 14, 2021
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mariing hinihimok ng inyong lingkod ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga local government units (LGUs) na tulungan ang Department of Education (DepEd) sa mas mabilis na pagpapabakuna ng mga guro laban sa COVID-19, lalo na’t nakatakdang simulan ang pilot test ng limited face-to-face classes sa Nobyembre 15.
Sa isang pagdinig ng Senado tungkol sa paghahanda ng pamahalaan para sa limited face-to-face classes, iniulat ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na halos 60 porsiyento na ng mga guro ang nabakunahan kontra COVID-19. Katumbas nito ang 580,000 na bilang ng mga guro sa halos isang milyong mga guro at non-teaching personnel.
Alam nating may mga lokal na pamahalaan na nakikipagtulungan sa kanilang mga lokal na distrito o division upang mabigyang-prayoridad ang pagbabakuna ng mga guro laban sa COVID-19. Malaki ang maaaring maging papel ng DILG sa paghikayat o pagsulong sa ganitong uri ng mga ugnayan.
Mabuti at tiniyak naman ni DILG Undersecretary Ricojudge Echiverri na ang kagawaran ay makikipagtulungan sa DepEd upang mapabilis ang pagpapabakuna ng mga guro. Ayon din sa naturang opisyal ay titignan at susuriin ng ahensiya ang datos mula sa mga LGU pagdating sa mga gurong nabakunahan na, kung saan pagbabanggain ito sa datos na nakalap ng DepEd.
Upang matapos ang pagbabakuna ng mga guro, tiniyak din ni Undersecretary Malaluan na ipatutupad ng DepEd ang institutional approach sa pagpapabakuna. Makikipagtulungan din ang kagawaran sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 upang pagtuunan ng pansin ang ating mga kaguruan na kabilang sa A4 priority list sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
Noong Oktubre 10 ay umabot na sa 50 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19 ang naiturok sa buong bansa, ayon sa National COVID-19 vaccination dashboard. Pumalo naman sa 85.5 milyong bakuna ang dumating na sa Pilipinas noong Oktubre 9. Ang pagpapabakuna sa general population ay nakatakdang magsimula ngayong buwan.
Hindi pagkukulang ng guro kung gusto niyang pumunta sa paaralan kahit hindi pa siya nakatatanggap ng bakuna. Kaya naman, dapat nating bigyang-prayoridad ang mga guro, lalo na’t ang layunin natin ay makabalik na tayo sa face-to-face classes.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentários