ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | July 10, 2022
Free testing ng mga guro, staff ng paaralan at mga mag-aaral, ilatag; compliance sa health and safety protocols ng bawat isa, siguruhin; flu vaccination at booster shot ng mga guro at staff, tutukan.
Ilan lamang ito sa ating panawagan sa mga awtoridad bago simulan ang planong implementasyon ng full face-to-face classes sa Nobyembre.
Matatandaang inihayag ng pamahalaan kamakailan ang plano nitong unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes ngayong school year 2022-2023.
Target na magkaroon ng phased in-person schooling sa Setyembre at 100 percent attendance naman sa November.
☻☻☻
Bilang magulang, nais nating bago mag-F2F classes ay fully vaccinated at may booster shot ang mga teacher at support staff at sinanay na sila sa new normal protocols.
Kasama rin ang pagsisigurong may maayos na bentilasyon ang mga classroom, steady ang supply ng sabon at tubig sa washing areas, nasusunod ang maayos na spacing ang mga mag-aaral at istriktong ipinatutupad ang health and safety protocols.
Kailangan ding ilatag ang testing and treatment protocols, bukod sa pagpapabilis ng pagbabakuna at booster shot sa mga mag-aaral sa tulong ng DOH at ng mga lokal na pamahalaan.
☻☻☻
Upang mapaghandaan ng mga magulang at mag-aaral ang mga kinakailangang gawin para makasama sa face-to-face classes ay dapat maagang ilabas ang estado ng kahandaan ng mga paaralan.
Makatutulong din ito upang mapawi ang mga agam-agam ng lahat, lalo na pagdating sa kalusugan at kaligtasan sa paaralan, habang nariyan pa rin ang banta ng COVID-19.
Handa naman ang Kongreso na makipagtulungan sa DepEd upang mabigyan ng pondo ang DepEd upang mapabilis ang pagpapa-ayos o retrofitting ng mga paaralan.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments