ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Pebrero 8, 2024
Tuwing Pebrero ay idinaraos ang Buwan ng Sining o National Arts Month sa bansa.
Para sa taong ito, ang tema ng komemorasyon ay “Ani ng Sining, Bayan Malikhain.”
☻☻☻
Mahalagang salig ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan ang sining.
Patuloy ring pinatutunayan ng ating mga sining at alagad ng sining – katutubo man o kontemporaryo – na kaya nating makipagsabayan sa pinakamahusay na alay ng mundo.
Bilang mga mambabatas, tungkulin namin na patuloy na itaguyod ang sining ng ating bansa at maglatag ng sistema para sa pag-unlad nito.
Nararapat lang na maglatag tayo ng plataporma upang mamayagpag ang sining, at magbigay-daan para makapamuhay nang maayos at may dignidad ang mga kababayan nating pinipili ang buhay ng panglilikha.
☻☻☻
Maraming nakalatag na aktibidad ang National Commission for Culture and the Arts para sa komemorasyon ng Buwan ng Sining.
Hinihimok ko ang ating mga kababayan na makilahok sa mga ito. Tiyak na marami tayong matututunan, bukod sa mapupukaw ang ating mga damdamin, na isang katangian ng likhang-sining.
Sa pagdiriwang natin ng Buwan ng Sining, nawa’y maalala natin ang ating mga tagumpay sa larangang ito. At higit na mahalaga, nawa’y mabatid rin natin na marami pang hamon ang kailangang harapin upang tuluyang mapasigla ang sining ng bayan.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments