ni Chit Luna @Brand Zone | September 30, 2023
Walang nakitang palatandaan na ang paggamit ng vape at iba pang alternatibong produkto ay humahantong sa paninigarilyo, ayon sa isang pag-aaral ng mga dalubhasa.
Sinabi ni Prof. Peter Hajek ng Wolfson Institute of Population Health sa Queen Mary University of London at isa sa may akda ng pag-aaral, na ang resulta nito ay nagpapakita ng ang pag-access sa e-cigarette at iba pang smoke-free products ay hindi nagtataguyod ng paninigarilyo.
Sinabi ni Prof. Hajek na sa katunayan ay nakikipagkumpitensya ang mga smoke-free products tulad ng e-cigarette at heated tobacco sa sigarilyo.
Ang pag-aaral ay nag-imbestiga kung ang e-cigarette ay nagsisilbing gateway sa paninigarilyo. Nakita nito na sa halip magtulak sa paninigarilyo, ang mga smoke-free products ay nakikipagkumpitensya laban sa sigarilyo at maaaring mapabilis sa pagtigil ng paninigarilyo. Ang pag-aaral ay inilathala ng Public Health Research at pinondohan ng National Institute for Health and Care Research (NIHR).
Tinanggap naman ng mga consumer group at tobacco harm reduction (THR) advocates sa Pilipinas ang resulta ng pag-aaral. Ayon kay Joey Dulay, presidente ng Philippine E-Cigarette Industry Association, ang pag-aaral ay nagpapakita lamang na ang mga vaper ay hindi nagiging smoker sa kalaunan.
“Sa mga kaedad namin, wala akong nakitang vaper na naging smoker. Sa katunayan, kilala ko ang maraming dating naninigarilyo na ngayon ay gumagamit na ng e-cigarette, na less harmful kaysa sa nasusunog na tabako,” dagdag ni Dulay.
Sinabi ni Dr. Lorenzo Mata ng advocacy group na Quit for Good na ito ang dahilan kung bakit mahalagang itaas ang kamalayan ng mga konsyumer sa malaking pagkakaiba ng panganib sa pagitan ng vape at tradisyonal na sigarilyo.
“Kung igigiit ng mga organisasyon tulad ng World Health Organization na ang mga smoke-free products at ang sigarilyo ay may parehong antas ng panganib, maaring bumalik nga sa paninigarilyo ang mga vapers. Subalit maraming mga Filipino vapers, batay sa kanilang karanasan, ay nakakaalam na ang kanilang ginagamit ay 95-porsiyento na mas mabuti kaysa sigarilyo, ayon na di sa mga siyentipikong pag-aaral sa UK at iba pang mga progresibong bansa sa buong mundo,” sabi ni Dr. Mata.
Sinabi ni Dr. Mata na ang resulta ng pag-aaral ay dapat ding magbigay ng mahalagang input sa mga kalahok sa WHO Framework Convention on Tobacco Control's 10th Conference of Parties na gaganapin sa Panama City sa Nobyembre 20-25, 2023.
"Ang pangunahing argumento ng WHO laban sa mga e-cigarette ay ang mga produktong ito ay nagsisilbing gateway sa paninigarilyo.
Ngunit ang natuklasan ng pag-aaral na ito ay salungat dito. Dapat suriin ng mga bansa ang dogmatiko at hindi siyentipikong posisyon ng WHO bago aprubahan ang mga bagong panukala ng pagbabawal sa mga alternatibong may lubhang maliit na panganib na dulot kumpara sa sigarilyo," sabi ni Dr. Mata.
Sinabi rin ng mga consumer group na ang mga panukala ng WHO FCTC sa COP10 ay kontra sa paninindigan ng mga bansa tulad ng United States, United Kingdom, New Zealand, Canada, Japan, South Korea, Sweden at Pilipinas na kumikilala na ngayon sa konsepto ng tobacco harm reduction.
Inihambing ng pag-aaral ang paggamit at pagbebenta ng vape at paninigarilyo sa mga bansa. Inihambing nito ang United Kingdom at United States kung saan pinapayagan ang paggamit ng vape sa Australia, kung saan ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga produktong ito.
Natuklasan ng pag-aaral na ang pagbaba ng paninigarilyo sa Australia ay mas mabagal kaysa sa UK at US.
Sinabi ni Prof. Lion Shahab, co-author ng pag-aaral at co-Director ng UCL Tobacco and Alcohol Grupo ng Pananaliksik, na ang komprehensibong pagsusuri na ito ay nagbibigay ng katiyakan na ang paggamit ng e-cigarette ay hindi nag-aambag sa paninigarilyo.
Ang resulta ay nagmumungkahi na ang e-cigarette ay nakakabawas sa pinsalang dulot ng sigarilyo sa mga bansang pinapayagan ito.
Sinabi naman ni Prof. Brian Ferguson, Direktor ng Public Health Research Program (NIHR), na kailangan pa ng mas maraming pananaliksik sa isyung ito.
Comments