top of page
Search
BULGAR

Paggamit ng telebisyon para mas mapalawak ang distance learning, oks!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 20, 2020



Noong nagbukas ang klase at naglibot tayo sa ilang mga bahay sa Valenzuela, kapansin-pansing masyado palang komplikado ang ilang aralin na nasa self-learning modules (SLMs).


Isang halimbawa rito ang subject na Geometry o kaya ay Trigonometry na ginagamitan ng tahasang pagko-compute. Mas marami mang mag-aaral ang gumagamit ng SLMs para sa distance learning o halos 60 porsiyento sa 22 milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, kailangan pa rin ng mas malawakang paggamit ng telebisyon lalo na sa pagtuturo ng mga mahihirap o masalimuot na aralin.


Sa telebisyon, malaki ang maitutulong ng maingat na paggabay ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral sa pamamagitan ng video para mas madaling sundan ang paksa at maintindihan agad ng mga bata.


Ayon sa pag-aaral ng global data firm na Dataxis, may halos 19 milyong sambahayan ang may telebisyon. Noong nakaraang Agosto, naglabas ng datos ang Department of Education (DepEd) na may anim na milyong tahanan ang walang internet.


Ibig sabihin, tiyak na mas maraming mag-aaral ang maaabot ng telebisyon kung ito ang

gagamitin sa distance learning. 


Inilunsad na ng DepEd ang DepEd TV na umeere ng mga K to 12 subjects mula Lunes hanggang Sabado mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi. Napapanood ang DepEd TV sa mga istasyong may ugnayan sa DepEd tulad ng Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) at People’s Television Network (PTV-4).


Nais din nating bigyang-diin ang kahalagahan dito ng pakikipag-ugnayan ng mga local

government units (LGUs) sa mga lokal na istasyon ng telebisyon at radyo at pagpapalawig ng ganitong mga ugnayan para matiyak na maaabot ang lahat ng mga bata sa mga komunidad sa buong bansa.


Ngunit dapat mapaalalahanan ang DepEd na suriing mabuti ang mga pinalalabas na mga aralin para makaiwas sa anumang pagkakakamali.


Bukod dito, muli nating hinihimok ang mga telecommunication companies na siguruhing maging maayos ang internet connectivity upang maiwasan ang mga problema sa online learning. 


Sa Valenzuela, ang gamit ay Facebook Live para sa pagtuturo o ang tinatawag na ‘Valenzuela Live Online Streaming School.’ Ngunit kahit na umeere sa Facebook ang iba’t ibang aralin, mayroon pa ring mga mag-aaral na hindi nakakapanood ng mga leksiyon dahil nga sa problema

sa internet.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, labis nating

hinihikayat na mapahusay pa ang platapormang ito para sa distance learning.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page