Paggamit ng senior citizen ng ibang ID para makakuha ng discount
- BULGAR
- Apr 10
- 4 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 10, 2025

Dear Chief Acosta,
May katanungan ako tungkol sa nangyari sa amin ng nanay ko sa isang restaurant sa Maynila. Ang nanay ko ay 64 taong gulang na. Noong kukunin na namin ang bayarin ay nagsabi kami sa waiter na mayroon kaming senior citizen’s discount. Ipinakita ng nanay ko ang kanyang driver’s license bilang patunay ng kanyang edad. Ngunit pagbalik ng waiter, sinabi niya na hindi diumano puwedeng gamitin ang lisensya na ito para sa senior citizen’s discount at dapat ipresenta ang ID na galing sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA). Tanong ko lang, tama ba ang sinabi sa amin na hindi puwedeng gamitin ang lisensya sa pagmamaneho kahit ito ay may petsa ng kapanganakan ng aking nanay na magpapatunay na siya ay isang senior citizen? — Marlo Angelo
Dear Marlo Angelo,
Ang mga senior citizens sa ating bansa ay may mga pribilehiyo at benepisyo na ibinibigay ng gobyerno, kabilang na ang diskwento sa mga produkto at serbisyo. Ayon sa Republic Act (R.A.) No. 9994, o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, ang mga senior citizen ay may karapatan na makakuha ng 20% discount sa kanilang mga binibili at mga serbisyong kinokonsumo, bukod pa sa VAT exemption.
Sa ilalim ng R.A. No. 9994, tanging ang mga senior citizen lamang, o mga indibidwal na may edad 60 at pataas, ang may karapatan sa mga nabanggit na diskwento at pribilehiyo na nakasaad sa batas. Partikular na nakalagay sa Article 6, Rule IV ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Expanded Senior Citizens Act of 2010:
“Article 6. OSCA-issued Senior Citizens' Identification Card. – For the availment of benefits and privileges under the Act and these Rules, the senior citizen, or his/her duly authorized representative, shall present as proof of eligibility, a valid and original Senior Citizens’ Identification Card issued by the Head of the Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) of the place where the senior citizen resides, and which shall be honored nationwide.”
Kung papakasuriin, ang pagkakakilanlan sa mga senior citizen ay hindi lamang limitado sa Senior Citizen’s ID na ipinagkakaloob ng OSCA. Ang iba pang dokumento o ID ay nakalahad sa Article 5.5, Rule III ng parehong IRR:
“Article 5.5 IDENTIFICATION DOCUMENT – refers to any document or proof of being a senior citizen which may be used for the availment of benefits and privileges under the Act and its Rules. It shall be any of the following:
Senior Citizens’ Identification Card issued by the Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) in the city or municipality where the elderly resides;
The Philippine passport of the elderly person or senior citizen concerned; and
Other valid documents that establish the senior citizen or elderly person as a citizen of the Republic and at least sixty (60) years of age, which shall include but not be limited to the following government-issued identification documents indicating an elderly’s birthdate or age: driver's license, voters ID, SSS/GSIS ID, PRC card, postal ID.”
Malinaw sa mga nabanggit na probisyon sa itaas na hindi kailanman nilayon ng ating batas na limitahan ang dokumento ng pagkakakilanlan ng mga senior citizen sa OSCA ID upang mapakinabangan ang mga benepisyo at pribilehiyong ipinagkaloob sa kanila.
Kaugnay nito, ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay naglabas din ng Revenue Regulations (RR) No. 11-2015 noong Oktubre 1, 2015, na inuulit at pinatitibay ang konseptong hindi lamang nakasalalay sa OSCA ID ang diskwento ng mga senior citizen, kundi pati na rin sa mga dokumento o ID na magpapatunay na ang isang indibidwal ay nasa edad 60 at pataas. Nakasaad sa Seksyon 2 ng nasabing RR No. 11-2015 na:
“Section 2. Definitions.-For purposes of these Regulations, the following terms and phrases shall be defined as follows: xxx
n. Identification Document -any document or proof of being a senior citizen which may be used for the availment of benefits and privileges under these Rules. It shall be any of the following:
i. Senior Citizens’ Identification Card issued by the Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) in the city or municipality where the elderly resides;
ii. The Philippine passport of the elderly person or senior citizen concerned; and
iii. Government-issued identification card (ID) which reflects on its face the name, picture, date of birth and nationality of the senior citizen which includes any of the following:
1) Digitized Social Security System ID
2) Government Service Insurance System ID
3) Professional Regulation Commission ID
4) Integrated Bar of the Philippines ID
5) Unified Multi-Purpose ID (UMID)
6) Driver’s License”
Ibig sabihin, malinaw sa ating mga batas at panuntunan na hindi lamang limitado sa OSCA ID ang puwedeng gamitin ng senior citizens natin para makakuha ng diskwento. Kaya naman, hindi maaaring tumanggi ang restaurant na kinainan ninyo na magbigay ng diskwento kung ang iprinesinta na ID ng iyong nanay ay ang kanyang driver’s license. Isa ito sa mga ID na maaaring magpatunay na ang isang indibidwal ay tumuntong na sa 60 taong gulang sapagkat ito ay naglalaman ng petsa ng kaarawan ng may-ari nito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments