ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 14, 2024
Nabalitaan natin kamakailan na naglalagay na ng elevator para sa senior citizens at persons with disabilities o PWDs para maginhawang makatungo sa sakayan ng mga busway sa Metro Manila.
Napanood rin natin sa ilang kuha ng video camera kung paanong kasalukuyang nagtitiyaga sa pag-akyat-panaog sa matatarik na hagdanan ang ilan nating may kapansanan para makasakay sa public utility vehicles o PUVs hindi lamang sa point-to-point buses kundi pati sa LRT at MRT.
Naalala ko na namang muli ang nakaraan naming biyahe ng aking pamilya sa Bangkok na nauna ko na ring naikuwento sa inyo. Nakakainggit ang kanilang maaasahang elevated railway system na may mga elevator para sa mga nakatatanda at may kapansanan, gayundin ang mga escalator para sa mga sumasakay. Bukod pa riyan ay may mga malilinis itong palikuran, hindi gaya ng sa atin sa Metro Manila na kalunus-lunos at walang tubig.
Bakit nga ba hindi magawang mintinahin ang mga palikuran sa ating railway system samantalang simpleng aksyon lamang ang kinakailangan tulad ng paglalagay ng mga tagalinis nito at paniniguro ng daloy ng tubig upang hindi bumaho at pumanghi ang amoy dito?
Bakit ba kailangang pahirapan sa pag-akyat sa baitang-baitang na mga hagdanan ang mga ordinaryong mamamayan sa halip na bigyan ng maaasahang escalator para sa kanilang kaginhawahan?
Bakit ba tila ipinagkakait ang gumaganang elevator sa ating mga nakatatanda at may kapansanan sa pagsakay nila sa mga tren ng ating elevated railway system para naman makaiwas sa pagkadupilas sa mga hagdanang madulas at nang hindi sila maipit at mapitpit sa mga nagkukumahog na mas batang mga komyuter sa pag-akyat sa mga istasyon ng tren?
Ang mga kagaanang ganito na dala man lang sana ng elevator, escalator at palikuran sa mga istasyon ng ating pampublikong transportasyon ay hindi lamang para maibsan ang pagod ng mga pasahero kundi para tulungan din sila sa kanilang hanapbuhay at kabuhayan, padaliin ang pagkamit ng kanilang mga pangarap, kasama na ang pagbibigay ginhawa sa mga turistang gugustuhing sumakay dito kung magiging katanggap-tanggap na ang serbisyo nito.
Ang ating inaasam at kinasasabikang kaayusan ng pangmasang transportasyon ay siyang gulong sa pag-usad ng ating ekonomiya, siyang manibelang gumigiling at pumipihit kung saan naroon ang maluwang na daan para sa kaunlaran, at langis na nagpapadali at nagpapabilis sa pagdaloy ng mga oportunidad na sa kasalukuyan ay salat.
Administrasyong Marcos Jr., maraming simpleng bagay ang maaari ninyo nang itala at ipagawa sa mga departamento at ahensya na malaking tulong na sa ating mga kababayan lalo na sa aspeto ng pampublikong transportasyon na araw-araw iniiyak at pinaninikluhod ng ating mga kababayan mula sa gobyerno.
Asintaduhin natin ng ganap na pagmamalasakit ang simpleng pangangailangan ng taumbayan at huwag nang patagalin pa ito!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Dapat talagang maglagay ng escalators at elevators para sa lahat, hindi lamang para sa mga senior citizens at PWD kasi kahit ordinaryong mananakay na walang kapansanan, nahihirpang umakyat patungo sa mga LRT at MRT stations. Pero dapat ding merong eksklusibo para sa mga senior citizens at PWD. Higit sa lahat, dapat palagian ang maintenance at check-up kasi ang nangyayari batay sa mga nakaraang karanasan, pagkatapos ng inauguration at ribbon-cutting ceremonies, wala nang regular maintenance kaya kalaunan, sira anga mga inilagay ng escalators at elevators.