Paggamit ng cellphone sa mga iskul, ipagbawal na
- BULGAR
- 5 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Apr. 24, 2025

Isa sa mga inirerekomenda nating hakbang upang masugpo ang bullying sa mga mag-aaral ang pagbabawal sa paggamit ng mga cellphone sa loob ng mga paaralan.
Sa ginawa nating pagdinig tungkol sa mga insidente ng bullying, binalikan natin ang video kung saan pinagtulungan ng isang grupo ng mga mag-aaral sa Bagong Silangan High School sa Quezon City ang marahas na pananabunot sa isa nilang kaklase.
Kapansin-pansin na may mga mag-aaral na gumagamit ng smartphone upang i-record ang pambu-bully ng kanilang mga kamag-aral.
Nakakabahala na dahil sa social media at sa teknolohiya, nagbago na rin ng mga paraan ang ating mga mag-aaral pagdating sa pambu-bully. Ginagamit na rin ang mga smartphone sa mga bullying dahil nire-record ang mga insidenteng kinasasangkutan ng mga mag-aaral at nagagamit naman ang mga video upang lalo silang ipahiya sa social media. At dahil kumakalat at nananatili ang mga ito sa internet, nananatili rin ang trauma at sugat sa ating mga mag-aaral na nabibiktima ng bullying.
Noong nakaraang taon, naghain ang inyong lingkod ng isang panukalang batas upang ipagbawal ang mga smartphone at gadget sa ating mga paaralan: ang Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 2706). Nang ihain natin ang panukalang batas na ito, una nating binigyang-diin na nakakaabala ang mga smartphone sa pagtutok ng mga bata sa kanilang pag-aaral.
Ayon sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), walo sa 10 mga 15-anyos na mag-aaral ang iniulat na naabala sila sa paggamit ng smartphone sa klase. Gayundin ang bilang ng mga mag-aaral na nagsabing naabala sila ng paggamit ng ibang mag-aaral ng smartphone.
Lumalabas din sa resulta ng PISA na ang abalang dulot ng paggamit ng smartphone ay nagpapababa sa marka ng mga mag-aaral. Dahil sa mga abalang ito, bumaba ng 9.3 points ang marka nila sa mathematics, 12.2 points sa science, at 15.04 sa reading.
Ngunit may mga pagkakataon namang maaari pa ring gumamit ng smartphones at electronic gadgets ang mga mag-aaral. Halimbawa ng mga ito ang mga classroom presentation para sa kanilang mga aralin.
Noong nagkaroon ng mga insidente kung saan ginagamit ang mga smartphone para sa bullying, naging bahagi na rin ng ating mga rekomendasyon ang pagbabawal sa paggamit ng gadgets sa paaralan. Kasabay nito, isinusulong din natin ang pagkakaroon ng CCTV sa mga paaralan upang mabigyan ng proteksyon ang mga mag-aaral at mga guro.
Naniniwala ang inyong lingkod na mahalaga ang papel ng teknolohiya sa mga makabagong paraan ng pag-aaral at pagtuturo, ngunit kailangan nating gabayan ang ating mga mag-aaral sa tamang paggamit nito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments