top of page
Search
BULGAR

Paggalaw ng ekonomiya sa gitna ng pandemya, good news!

ni Ryan Sison - @Boses | June 14, 2021



Lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang ekonomiya ng iba’t ibang bansa, partikular ang Pilipinas.


Sandamakmak na negosyo ang pansamantalang tumigil sa operasyon, may ilang ‘no choice’ kundi magbawas ng mga empleyado, habang ang iba naman ay tuluyan nang nagsara dahil hindi kinaya ang pagkalugi.


At matapos ang lagpas isang taon ng pakikipaglaban sa pandemya, hamon pa rin ang pagpapagalaw ng ekonomiya.


Kaugnay nito, may nakikita nang senyales o barometro ang Malacañang na bumabangon na ang ekonomiya ng bansa. Ito ay matapos manguna ng Pilipinas sa iba pang bansa sa Asya padating sa aspeto ng pag-e-export noong Abril.


Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang export ng bansa noong Abril na umabot sa 72.1%. Lumalabas din sa datos na nalampasan ng Pilipinas ang Japan na nakapagtala ng 38% sa export habang 32.3% ang naitala ng China.


Sa totoo lang, nakatutuwa na may mga pagbabago na sa ating sitwasyon, partikular sa ekonomiya. Nangangahulugan lamang ito na may pag-asa pa at muli tayong makababangon sa kabila ng malalang epekto ng pandemya.


Hangad nating magtuluy-tuloy ang mga pagbabagong ito nang sa gayun ay tuluyan nang makabangon ang ekonomiya ng bansa, na lubhang apektado ng krisis pangkalusugan.


Kasabay nito ang pag-asang mabigyan din ng trabaho ang milyun-milyong manggagawa na nawalan ng hanapbuhay.


‘Ika nga, tiwala at tiyaga lang dahil sa kabila nga mga pagsubok na ating kinahaharap, unti-unti rin tayong makababawi at babangon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page