ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | March 30, 2021
Habang patuloy na tinutugunan ng mga pamilya ang mga pinsalang dulot ng pandemya, muling isinusulong ng inyong lingkod ang pagpapatupad ng programang Parent Effectiveness Service (PES) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Ito ay upang matulungan ang mga magulang na maging epektibo sa paggabay sa kanilang anak sa usapin ng edukasyon, pati na sa pagbibigay ng socio-emotional support.
Pangunahing layunin ng ating panukalang-batas na Senate Bill No. 1985 o Ang Parent Effectiveness Service (PES) Program Act ay paigtingin ang kakayahan ng mga magulang at parent-substitutes sa pagbibigay-kalinga sa mga kabataan at paggabay sa kanilang edukasyon. Nakasaad sa naturang panukala na ang PES program ay magkakaroon ng parent effectiveness sessions sa mga barangay.
Ang mga psychologists, health professionals, social workers, paraprofessionals at social workers ay ilan lamang sa magsisilbing facilitator para sa naturang programa. Tatalakayin naman ng mga modules na gagamitin sa programa ang mga usapin tulad ng child development, home development, pagtuturo ng magandang-asal at pagkakaroon ng malusog na kapaligiran para sa kabataan.
Sa isang survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), halos 90 porsiyento ng mga pamilyang may miyembrong nag-aaral (lima hanggang 20-taong gulang) ang nagsasabing mas nahihirapan sila sa distance learning kung ikukumpara sa face-to-face classes. Lumabas din sa survey na 60 porsiyento ng mga pamilya ang naglalaan ng mas maraming oras sa pagtuturo at kadalasang ang mga ina ang nagtuturo sa kanilang anak.
Ayon sa mga eksperto, ang isang taong pagsasara ng mga paaralan at pananatili sa mga tahanan ng kabataang mag-aaral ay nakapipinsala sa kanilang mental health. Bukod dito ay problema rin ang kawalan ng access sa psychosocial support ng ilang mga mag-aaral. Bagama’t alam natin kung gaano kahalaga para sa mga magulang na suportahan ang kanilang anak sa usapin ng mental health, kinikilala rin natin ang kanilang hirap, pagod at patung-patong na responsibilidad sa gitna ng pandemya.
Marahil, ito ang ilan sa mga dahilan ng malungkot na balitang pumapatol ang ilang magulang sa “sagot for sale,” kung saang kailangan pa nilang magbayad ng ibang tao para sagutan ang modules ng kanilang anak.
Hindi kaila na mahalaga ang papel ng ating mga magulang sa pagpapatuloy ng edukasyon at sa pangangalaga sa mental health ng mga kabataang mag-aaral sa panahon ng pandemya. Hindi natin maaaring ipasa sa kanila ang lahat ng gawain, lalo na’t marami sa kanila ang naghahanapbuhay din at nakararanas ng pagod. Dapat matulungan natin sila sa suliraning ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments