Pananakit ng ibabang bahagi ng likod at iba pa, mga sintomas ng STD na chlamydia
ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 15, 2020
Dear Doc. Shane,
Almost 2 years na kami ng BF ko pero last year ay nalaman ko na nagkaroon ako ng STD na chlamydia na nakuha ko raw sa pakikipagtalik. Hindi ko ito sinabi sa BF ko dahil baka pag-awayan pa namin na pinagbibintangan ko siya. Nagamot ako pero parang bumabalik ang mga sintomas nito. Kailangan bang maeksamin din siya at magamot? - Mayo
Sagot
Ang chlamydia ay ang karaniwang uri ng sexually transmitted disease o sakit na naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik— vaginal, oral o anal sex man. Ito ay nakaaapekto kapwa sa mga lalaki at babae.
Ang mahirap sa paggamot sa chlamydia at pag-iwas na mahawa nito ay kadahilanang ang mga taong mayroon nito ay hindi nakararanas ng mga sintomas. Pero tandaan na ang hindi pagkakaroon ng sintomas ay hindi nangangahulugang puwede na itong balewalain.
Sa katunayan, ang chlamydia ay maaaring maging sanhi ng seryoso at permanenteng mga pinsala sa reproductive system. Ito ay maaaring maging sanhi ng kahirapan at pagiging imposible na mabuntis. Ito rin ay maaaring maging dahilan ng ectopic pregnancy, nakamamatay na kondisyon.
Kapag ang babae ay may chlamydia habang siya ay nagbubuntis, posibleng mahawahan niya ang kanyang sanggol. Maaari itong maging dahilan ng pagiging premature, malalang impeksiyon sa mga mata at pulmonya.
Dahil sa mga ito at sa iba pang mga panganib, mahalaga para sa mga taong aktibo sa sex na regular na magpasuri. Mahalaga rin na ipagpatuloy ang pag-inom ng gamot sa chlamydia kung meron nito, hanggang sa mawala ang impeksiyon.
Ano ang mga sintomas ng nito?
Masakit o mahapding pag-ihi
Masakit ang bandang ibaba ng tiyan
Discharge sa puwerta
Pagdurugo kahit hindi pa naman nireregla
Pagdurugo ng ari pagkatapos makipagtalik
Pananakit ng puwit, discharge o pagdurugo nito
Pamamaga o impeksiyon sa mga mata
Pananakit ng ibabang bahagi ng likod
Lagnat
Pagkahilo
Pananakit at pamamaga ng bayag
Pamumula, pangangati at pamamaga ng butas ng ari
Pamamaga ng lalamunan
Gayunman, kung natuklasan ng doktor na ikaw ay may chlamydia, magrereseta siya ng iniinom na antibiotic sa loob ng lima hanggang 10 na araw, depende sa impeksiyon. Hanggang hindi pa tapos ang pag-inom ng antibiotic, posible pa rin na mahawa ang iyong partner, kaya dapat umiwas muna sa pakikipagtalik hanggang sa hindi pa tapos ang iyong antibiotic.
Kung sa tingin mo na baka bumalik ang sakit mo, muling magpaeksamin at mas mainam na ipaalam ito sa partner para maeksamin din siya at mabigyan ng tamang lunas.
Comentários