ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Sep. 25, 2024
Sausapin ng edukasyon, nagdiriwang ngayong araw ang Pamantasan ng Silangan o mas kilala bilang University of the East (UE), ng ika-78 anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Sa gitna ng iba’t ibang makukulay na aktibidad ng okasyong ito sa mga kampus ng naturang unibersidad sa Maynila at Kalookan, nakapagpapalakas ng loob na isipin na palapit na sa walong dekada ang kasaysayan ng paaralan, kung saan nakapaloob ang kuwento ng bawat mag-aaral na nagpunyagi para unti-unting magtagumpay sa kanyang piniling larangan.
Nakapaloob sa kasaysayang iyan ang bawat luha, bawat pawis, bawat sakripisyo, bawat pakikipaglaban ng bawat propesor para makamit at marating ng mga mag-aaral ang antas ng karunungang buong pinong hinuhubog ng mga guro bilang ikalawang mga magulang.
Noon pang kalagitnaan ng dekada ’80, magugunitang dahil sa lumalim na kakulangang pinansyal ng pamantasan ay halos magsara o maibenta ito sa isang banyagang grupo.
Ngunit naisalba ito ng maalab na pagtutol ng mga hindi lumisang guro, kawani at maging estudyante, na nagkamit ng suporta ng Securities and Exchange Commission at ang noo’y Ministeryo ng Edukasyon; at sa pagkakatatag ng bagong pamunuan na hindi tumigil hangga’t hindi naiahon ang paaralan mula sa kumunoy ng kahirapan.
Idagdag pa natin ang kamakailang mapanggaping COVID-19, na nagdulot ng pandaigdigang krisis, habang nag-udyok naman sa mga eskwelahan na gumamit ng makabagong teknolohiya, upang hindi mahinto ang pagtuturo sa mga mag-aaral na napilitang manatili sa kanilang mga tahanan.Tunay nga, ang pagtuntong sa bawat taon ng anibersaryo ng bawat unibersidad ay nagpapahiwatig ng pagpapatuloy sa pagpupunyaging hubugin ang mga kabataan upang maabot nila ang kani-kanilang mga pangarap.
Tibay at tatag ang sagisag ng mga tradisyonal na programang inilatag ng UE sa kaarawan nito: ang pagbibigay ng parangal sa mga guro at manggagawang naglilingkod pa rin sa pamantasan makalipas ang dalawampu hanggang apatnapung taon o higit pa.
Sa taong ito, napag-alaman nating may kaisa-isang kawani ang unibersidad na kikilalanin at bibigyang-pugay dahil apat na dekada na siyang patuloy na naninilbihan sa kampus nito sa Maynila. Ang bukod-tanging ginang na ito ay nagsimulang maglingkod noong Marso 1984 sa gitna ng nabanggit na maligalig na panahon para sa institusyon.
Napakarami na ng kanyang napagdaanan at napagtagumpayan bago makarating sa tugatog ng kasalukuyan. Sa kabila ng mga naging dagok ng panahon ay minarapat niyang manatili sa institusyong pinaglilingkuran — isang pagpapamalas ng katatagang sinubok man ay hindi natinag. Pinili niyang huwag bumitaw upang patuloy na mahawakan ng institusyon ang lakas na nagmumula sa binigkis na paglilingkod.
Sa igagawad na parangal sa kanya ay hindi lamang masusuklian ang katatagan ng paninindigan at pakikipaglaban para itaguyod ang pundasyon ng edukasyon para sa bayan. Maitataguyod din ang bawat puso at pag-asa ng kanyang mga mahal sa buhay sa pagkilala sa kanyang kabayanihan, kung saan sila man ay kabahagi. May napakalalim na mensahe ito para kanino man: Tiyaga lang, kapit lang.
Sa gitna ng anumang nararanasang kahirapan, pagsubok at pagsasakripisyo, huwag hayaang anurin ng panghihina bagkus ay magdesisyong maging matatag at mapuno ng pag-asa — sa tamang panahon ay sisilay ang liwanag sa silangan at magbubunga ang walang humpay na pagsisipag, pagsisikap at pananalig sa dinarasal na maaliwalas at magandang bukas.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments