top of page
Search
BULGAR

Pagdeposito ng halaga sa korte bilang bayad sa utang

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 02, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay may pagkakautang sa aking kapitbahay na kanyang pinatutubuan ng interest buwan-buwan. Ako ay nakapagbayad na ng halagang katumbas sa tatlong buwang hulog. Noong nakaraang linggo ay handa na akong magbayad ng aking ikaapat na hulog subalit ang kapitbahay ko ay nasa ibang bansa. Sinubukan ko siyang tawagan at i-text ngunit hindi siya sumasagot. Matapos noon ay nagpunta sa bahay namin ang isa niyang kapatid at naniningil, at makalipas lang ang ilang oras ay nagpunta rin sa bahay namin ang isa pa niyang kapatid, na naniningil din. Ang parehong kapatid ay nagbilin na siya lamang ang awtorisadong tumanggap ng kabayaran, ngunit wala ni isa sa kanila ang handang magbigay ng resibo kaya nalilito ako kung kanino ako dapat magbayad. Ano ang maaari kong gawin upang makonsidera ang aking pagbabayad at hindi na mapatungan pa ng karagdagang interest sa mga susunod na buwan? - Leslie


Dear Leslie,


Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 386, o mas kilala bilang The Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Article 1256 nito ang sumusunod na mga probisyon:


“Article 1256. If the creditor to whom tender of payment has been made refuses without just cause to accept it, the debtor shall be released from responsibility by the consignation of the thing or sum due.

Consignation alone shall produce the same effect in the following cases:


1. When the creditor is absent or unknown, or does not appear at the place of payment;

2. When he is incapacitated to receive the payment at the time it is due;

3. When, without just cause, he refuses to give a receipt;

4. When two or more persons claim the same right to collect;

5. When the title of the obligation has been lost.”


Kaugnay nito, inilahad ng Korte Suprema sa kaso ng Soledad Dalton v. FGR Realty and Development Corporation et al., G.R. No. 172577, 19 January 2011, Ponente: Honorable Associate Justice Antonio T. Carpio, na:


“In order that consignation may be effective, the debtor must show that: (1) there was a debt due; (2) the consignation of the obligation had been made because the creditor to whom tender of payment was made refused to accept it, or because he was absent or incapacitated, or because several persons claimed to be entitled to receive the amount due or because the title to the obligation has been lost; (3) previous notice of the consignation had been given to the person interested in the performance of the obligation; (4) the amount due was placed at the disposal of the court; and (5) after the consignation had been made the person interested was notified thereof.


Failure in any of these requirements is enough ground to render a consignation ineffective.”


Alinsunod sa nabanggit na probisyon ng batas, at sa desisyon ng Korte Suprema, upang maituring na ganap na ang iyong kabayaran, maaari mong ideposito sa korte ang halagang katumbas ng iyong utang, kung ang mga rekisitong nabanggit sa itaas ay iyo nang nagawa. Mariing inilahad ng Korte Suprema na ang kakulangan o hindi pagtupad sa mga nasabing rekisito ay maaaring magdulot ng pagkawalang-bisa ng pagdeposito ng bayad sa korte o consignation ng alinmang halaga.


Samakatuwid, kailangan mong patunayan ang pagkakaroon ng utang na kailangan nang bayaran; ang pagtanggi ng pinagkautangan na tanggapin ang kabayaran o dahil wala sa lugar ng bayaran ang iyong pinagkautangan, o may dalawang nagde-demand at nagki-claim na may karapatan silang tumanggap ng halagang dapat bayaran; unang notice o paalam ng consignation sa pinagkautangan; pagdeposito ng bayad sa korte; at pangalawang notice o paalam sa pinagkautangan matapos ang deposito sa korte.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page