top of page
Search
BULGAR

Pagdanganan at Ardina shoot na sa LPGA 2022

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 14, 2021




Sinigurado nina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina na hindi lang si 2021 U.S. Open titlist Yuka Saso ang magdadala ng tatlong kulay ng Pilipinas sa malupit na golf tour ng mga kababaihan sa U.S. matapos nilang opisyal na makuha ang kani-kanilang pasaporte sa Ladies Professional Golf Association (LPGA) Season 2022.


Nakapasok si Pagdanganan, naka-2 gold medal sa SEAG sa top 10 ng kompetisyong nagsilbi ring patatagan ng pulso at patibayan ng resistensiya sa tinawag na LPGA Q-Series sa Alabama upang mapabilang sa 45 lady parbusters sa LPGA 2022.


Ang kanyang rekord na 75-69-66-69-70-71-69-71 (14-under-par 560 strokes) mula sa dalawang linggo, 8 rounds at 144 butas ng hatawan ng bola ang nagsilbing tiket niya para magkaroon ng regular status sa prestihiyosong professional golf tour. Ibig sabihin ay hindi na siya nakasalampak sa reserve list ng LPGA tournaments at kailangan pang umasa na may mababakante sa roster ng mga kalahok.


Sa kabilang dako, naisalba ni Ardina, dating premyadong jungolfer ng Pilipinas, ang huling upuan para sa full LPGA 2022 membership status, sa tulong ng 4-under-par 570 (73-72-69-73-69-73-70-71) sa torneong ginanap sa Mobile, Alabama noong Disyembre 2 - 5 at sa Dothan, Alabama noong Disyembre 9 - 12. Nakatabla niya ang limang iba pang lady parbusters.


Rumatsada sa huling round si South Korean Na Rin An (33-under-par 541) upang daigin si Pauline Roussin Bouchard (32-under par 542) ng France para sa low medalist honors ng mga 45 LPGA qualifiers. Malayong pangatlo si Atthaya Thitikul (26-under-par 548) ng Thailand sa paligsahang nilahukan lang ng 110 piling aspirante sa professional circuit.


Ang 110 na kalahok ay mga survivors ng LPGA Qualifying Tournaments I and II.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page