top of page
Search
BULGAR

Pagdami ng mga nabubuntis sa kasagsagan ng lockdown, 'wag dedmahin!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 8, 2021



Nagbunga na ang babala ng Commission on Population and Development (PopCom) noong mga unang buwan nang pagpapataw ng community quarantine sa maraming lugar sa posibleng paglobo ng populasyon sa ating bansa.


Ngayong 2021 ay inaasahang aabot ang ating populasyon sa 110,881,756 o posibleng mas tumaas pa kasabay nang paglobo rin ng mga kababayan nating nawalan ng hanapbuhay na lahat ay naganap sa kasagsagan ng pandemya.


Sa mga unang buwan pa lamang ng community quarantine ay nabigay na ng babala ang PopCom na dapat mag-ingat sa hindi inaasahang pagbubuntis dahil sa kawalan ng aktibidades sa loob ng mga tahanan.


Unti-unti na umanong nararamdaman ang pagsilang sa inaasahang nasa 2 milyong lockdown babies na simula pa noong huling bahagi ng nakaraang taon hanggang sa pagpasok ng taong ito na lahat ay nabuo sa gitna ng quarantine.


Tinatayang nasa 214,000 sa may dalawang milyong ina na inaasahang magsisilang ang hindi umano handa o wala pa sa planong magbuntis na kaya lamang nangyari ay dahil sa dumami ang kanilang oras sa kanilang tahanan na pinagbawalan ng gobyernong lumabas dahil sa COVID-19.


Ayon sa pag-aaral ng University of the Philippines Population Institute (UPPI) at ng United Nations Population Fund (UNFPA) napakarami umano nang dumaranas ng stress sa pananatili sa loob ng tahanan at ang pakikipagtalik ang ginagawang panlaban dito.


Base sa pagtaya ng PopCom na nasa 10 porsiyento ng mga nagbuntis ay mula sa edad 20 pababa dahil hindi pa gaanong nag-iisip ng kinabukasan at dahil mainit pa ang dugo ay hindi mapigil ang kapusukan.


Kasabay nito ay bumulusok naman ang kawalan ng trabaho sa marami nating kababayan kasabay nang paghilahod ng ating ekonomiya dahil pa rin sa matinding epekto ng kasalukuyang pandemya.


Tinataya ng pamahalaan na halos nasa 39.8 milyong Pilipino lamang ang may kasalukuyang trabaho kumpara noong nakaraang quarter na nasa 41. 3 milyon pa dahil sa halos sabay-sabay na pagsasara ng maraming negosyo.


Bumagsak sa 8.71 porsiyento ang unemployment rate sa huling bahagi ng nakaraang taon sa kabila nang pagpayag na ng pamahalaan na luwagan ang mga paghihigpit upang makabangon na ating ekonomiya.


Ayon mismo sa pinakahuling tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa kabuuang 43.6 milyong Pilipino na mula sa ating mga labor force ay nasa 3.8 milyon (8.71 porsiyento) ang nawalan ng trabaho at 39.8 milyon naman ang nananatiling may hanapbuhay.


Kahit medyo may bahagyang pag-angat ang bilang ng mga nagkaroon na ng trabaho ay hindi pa rin ito maituturing na maayos kumpara noong nakaraang taon na ang 45.9 porsiyento ng ating labor force ay nasa 4.6 milyon (10.02 porsiyento) ang jobless at 41.3 milyon naman ang may trabaho.


Ang kasalukuyang taon ang maituturing na may pinakamasaklap na sitwasyon kung kawalan ng hanapbuhay ang pag-uusapan mula noong 2005 dahil sa umabot sa 10.4 porsiyento o 4.5 milyong Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay.


Ngayon kung dito natin ibabatay ang karagdagang mga bata na isisilang ngayong taon ay tila mahihirapan tayong pagsalubungin ang sitwasyon kung paano mabibigyan ng maayos na kinabukasan ang mga bagong batang madadadagdag sa ating populasyon.


Ayon sa datos ng POPCOM, umaabot sa 3.099 milyon hanggang 3.688 milyong kababaihan ang walang access sa family planning supplies dahil hindi makalabas ng bahay at ang kawalan ng hanapbuhay.


Base sa pag-aaral ng Department of Health (DOH), mas inuuna umano ng marami nating kababayan ang bumili ng kanilang makakain kesa bumili ng contraceptives dahil sa kakulangan ng panggastos.


Ilang araw na lamang at araw na ng mga puso at aapaw na naman ang pag-ibig, sana naman pairalin natin ang social distancing!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page