ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 28, 2023
Ipinanukala natin ang pagdaragdag sa pondo ng pagsasagawa ng Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS). Ang FLEMMS ay isang household-based nationwide survey na nagtitipon ng mga impormasyon tungkol sa basic at functional literacy rates, pati na mga educational skills qualifications.
Sa ilalim ng committee report ng Senado sa panukalang 2024 national budget, makakatanggap ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng P208.97 milyon para sa pagpapatupad ng FLEMMS. Mas mataas ito ng 254.3 porsyento sa P58.9 milyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) at ng General Appropriations Bill (House Bill No. 8980).
Sa isinagawang pagdinig sa panukalang budget ng PSA, iminungkahi ng inyong lingkod ang pagsasagawa ng survey na ito sa bawat siyudad sa bansa upang siguradong malaman ang pulso ng bawat mamamayan at matukoy talaga ang mga lugar na may mataas na illiteracy rates. Magagamit din nang husto ang mga datos na ito ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II). Sa ganitong paraan, makakapaglunsad tayo ng mga programa na mag-aangat ng antas ng edukasyon sa bawat lugar.
Mahalaga ang pagsasagawa ng FLEMMS upang mas mapaigting ang pagsukat at pagtutok sa literacy rate ng bansa.
Taong 2019 pa nang huling ginawa ang naturang survey, at ito ang ikaanim sa serye nito na nagsimula noong 1989. Base sa 2019 FLEMMS, mahigit anim na milyong Pilipino na may edad na lima pataas ang hindi pa talaga masasabing literate. Ibig sabihin nito ay hindi sila makabasa o makasulat nang may pag-unawa sa mga simpleng mensahe.
Ayon sa datos, halos pitong milyong Pilipinong may edad na 10 hanggang 64 ang itinuturing na functionally illiterate. Sa madaling salita, wala silang kakayahan na makilahok nang ganap sa mga pang-araw-araw na gawain gamit ang sapat na kakayahan sa komunikasyon.
Iminungkahi rin natin ang mas regular na pagsasagawa ng FLEMMS dahil masyadong mahaba ang limang taong pagitan sa pagsasagawa nito.
Sinabi rin ng PSA na pag-aaralan nila ang posibilidad ng pagsasagawa nito nang mas regular o kada tatlong taon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
תגובות