top of page
Search

Pagdami ng insidente ng karahasan sa mga menor-de-edad, nakababahala

BULGAR

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Feb. 28, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Kamakailan ay may naiulat na ilang mga insidente ng karahasang sangkot ang mga mag-aaral na menor-de-edad. Nakakaalarma ang mga pangyayaring ito, lalo na’t ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral ang nakasalalay. Binibigyang-diin ng mga naturang insidente ang pangangailangan para sa mas matatag na mga programa sa anti-bullying, mental health, at guidance at counseling sa mga paaralan.


Sa Rizal High School sa Pasig City, may dalawang mag-aaral, isang Grade 7 at isang Grade 10, ang nasaksak sa gitna ng isang awayan sa labas ng paaralan. 


Sa Iloilo City naman, dalawang kabataan ang nasaksak din sa isang riot na kinasangkutan ng mga mag-aaral na may edad 13 hanggang 17. May natanggap ding ulat ang ating tanggapan tungkol sa dalawang babaeng menor-de-edad na nasaksak ang kanilang mga mukha habang nasa loob ng eskwelahan nila sa Marikina. 


Dumarami na ang mga insidente ng karahasan na mismong mga menor-de-edad ang sangkot. Mahalagang merong mga security measure, mga guidance program, at support systems ang mga mag-aaral upang maiwasan ang paglala ng mga ganitong insidente.


Sinasalamin ng mga karahasang ito ang mas malalim pang mga suliranin sa ating lipunan, at dapat nating tugunan ang mga ito upang maprotektahan ang mga kabataan.

Ang pagpapaaral sa ating mga kabataan ay hindi lamang para sa pag-angat ng kanilang kahusayan. Tungkol din ito sa paghubog sa kanilang pagkatao at mga values na dapat nilang isabuhay sa labas ng paaralan.


Kaya naman hinihimok natin ang Department of Education (DepEd), law enforcement agencies, at mga local government units  (LGUs) na magtulungan upang mapatatag ang mga intervention na tutugon sa ugat ng mga mararahas na insidenteng ito.


Nananawagan din tayo sa mga magulang at mga komunidad na maging mapagmatyag at maging aktibo sa paggabay sa mga kabataan. 


Ang Pilipinas ay tinaguriang ‘bullying capital of the world’ ng international large-scale assessments. May mga batas na tayo para matugunan ang mga problemang ito, tulad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na isinulong ng inyong lingkod. Mahalagang maipatupad natin ito nang ganap upang maitaguyod ang kapakanan ng ating mga mag-aaral. 


Matatandaan ding isinumite ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang mga panukala nitong rebisyon sa Implementing Rules and Regulations ng Anti-Bullying Act of 2013 (Republic Act No. 10627). 


Kabilang sa mga isinusulong na rebisyon ang pagkakaroon ng mga localized anti-bullying policies sa bawat pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at high school. Isinusulong din ang pagkakaroon ng discipline officers na magiging responsable sa pagpapatupad ng mga school policies at pagbabantay sa student behavior.


Malaking hamon para sa atin ang pagsugpo sa mga insidenteng ito, naniniwala ako na maitataguyod natin ang mga mag-aaral kung tayo ay magtutulungan at magdadamayan.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page