top of page
Search
BULGAR

PAGCOR logo, P3M.. "Bagong Pilipinas", walang gastos

ni Mylene Alfonso @News | July 17, 2023




Nilinaw ng Presidential Communications Office (PCO) na walang anumang gastos ang pamahalaan kaugnay sa inilunsad na "Bagong Pilipinas" logo.


Ginawa ng PCO ang paliwanag sa gitna ng kontrobersya sa "Love the Philippines" campaign logo ng Department of Tourism (DOT) at bagong logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).


Ayon sa PCO, pinagtrabahuhan nila ang logo upang matiyak ang pagsunod sa heraldic code.


"The logo was produced internally by the Presidential Communications Office and underwent complete staff work to ensure adherence to the heraldic code," wika ng PCO.


"The Bagong Pilipinas logo embodies the Marcos Administration’s vision for the country, emphasizing unity, involvement, and the bayanihan culture as the main fibers and components for its full realization," nakasaad pa sa pahayag ng PCO.


Nabatid na ang "Bagong Pilipinas" logo ay isang visual representation ng Pilipinas tungo sa hinaharap.


Sumasagisag naman ang tatlong pulang stripes sa mga makabuluhang panahon ng pag-unlad sa kasaysayan kabilang ang post-war agricultural at rural development; post-colonial period; at ang kasalukuyang metropolitan development.


Ang dalawang asul na guhit naman ay kumakatawan sa mga layunin para sa hinaharap, isang progresibong Pilipinas na nakakasabay sa teknolohiya sa pagtataguyod ng sustainable industrial development.


Ang pagsikat ng araw sa logo ay nagpapahiwatig ng bukang-liwayway ng isang bagong Pilipinas na sumisimbolo sa pagnanais ng bansa na maging sentro ng global market at mga nasyon sa mundo.


Ang weave pattern naman ay naglalarawan ng pagkakaugnay at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino dahil ang bisyon ng Bagong Pilipinas ay makakamit lamang sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap, pagtutulungan, at pagkakaisa sa pag-usad.


Una nang inilunsad ng Palasyo ang “Bagong Pilipinas” campaign bilang bago umanong “brand” ng governance at leadership sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., tungo sa full economic recovery.


Pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Memorandum Circular (MC) No. 24 noong Hulyo 3, 2023 at inilabas ng Malacañang nitong Linggo, Hulyo 16, kung saan magiging bahagi ang “Bagong Pilipinas” ng branding at communications strategy ng National Government.


Sa ilalim ng tatlong pahinang memorandum, inaatasan ang lahat ng national government agencies (NGAs), government-owned or -controlled corporations (GOCCs), state universities at colleges (SUCs), na i-adopt ang “Bagong Pilipinas” campaign sa kanilang mga programa, aktibidad, at proyekto.


Inatasan din ang naturang mga ahensya na gamitin ang logo ng “Bagong Pilipinas” sa letterheads, websites, official social media accounts, at iba pang dokumento na nakatuon sa flagship programs ng gobyerno.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page