ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 18, 2024
Para matugunan natin ang kawalan ng long-term vision o pangmatagalang plano sa edukasyon, muling isinusulong ng inyong lingkod ang kanyang mungkahi na buuin ang National Education Council (NEDCO) na lilikha ng national education agenda at paiigtingin ang ugnayan sa tatlong ahensya ng edukasyon sa bansa: ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Patuloy ang pagbabago ng skills at ang pangangailangan ng mga industriya kaya kailangan natin ng long-term vision sa edukasyon. At ito ang nais nating isabatas bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education: buuin ang lupon na ito para nasa iisa tayong direksyon pagdating sa edukasyon.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2017, magiging mandato sa NEDCO na gawing institutionalized ang isang sistema ng koordinasyon sa buong bansa sa pagpaplano, pagmonitor, pagsusuri, at pagpapatupad ng national education agenda. Ito ay para tiyaking sumusunod sa isang estratehiya ang DepEd, CHED, at TESDA, at maiwasan ang mga posibleng overlap at kakulangan na magdudulot ng hindi magkakaugnay na mga polisiya, programa, at plano.
At upang maiangat ang performance ng mga mag-aaral, kasama sa mga magiging mandato ng NEDCO ang pagpapatupad ng isang action agenda upang matulungan ang bansang magtagumpay sa edukasyon at magkaroon ng mataas na marka sa mga batayang tulad ng National Achievement Test, Programme for International Student Assessment, Education Index, Education for All Development Index, at iba pa.
Kahit nilikha naman na noon ang mga lupong tulad ng National Coordinating Council for Education (NCCE) sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 273 s. 2000 at ang Presidential Task Force to Assess, Plan and Monitor the Entire Educational System sa ilalim ng EO No. 652 s. 2007, marami sa mga layunin ng bansa ang hindi natupad nang hatiin sa tatlong sektor ang buong sistema ng edukasyon.
Kung inyong matatandaan, inirekomenda na ng 1991 Commission on Education (EDCOM) ang paghahati sa tatlong ahensya ng sistema ng edukasyon sa bansa. Ngunit inirekomenda rin ng 1991 EDCOM na magkaroon ng isang national council upang matiyak ang ugnayan sa polisiya ng tatlong mga ahensya.
Alang-alang sa pagsasaayos ng ating sektor ng edukasyon, patuloy nating isusulong ang panukalang ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Kommentare