ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 13, 2021
Kailangan ng maigting na pagsulong at pagpapatupad ng mga reporma sa ating sektor ng edukasyon sa lalong madaling panahon. Kaya naman, kasama ang iba pang senador ay isinusulong ng inyong lingkod ang Senate Joint Resolution No. 10 upang muling buuin ang Congressional Oversight Committee on Education o EDCOM na unang binuo noong 1990.
Kung walang makabuluhang reporma sa sektor ng edukasyon — mula sa kurikulum, kalidad ng mga guro, hanggang sa education governance — ang pinsalang dulot ng krisis sa edukasyon ay maaaring tumagal pa kahit tapos na ang pandemya ng COVID-19. Nakababahala rin ang kasalukuyang kawalan ng tinatawag na “catch-up plan” o remedial programs upang matulungan ang mga mag-aaral na makahabol mula sa epekto ng isang taong pagsasara ng mga paaralan.
Sa isang pag-aaral ng World Bank, lumalabas na mahigit 80 porsiyento ng mga mag-aaral sa bansa ang hindi natututo ayon sa kanilang antas. Lumabas din sa naturang pag-aaral ang ilan sa mga pangunahing isyu tulad ng mababang kalidad ng disiplina sa classroom, mga insidente ng bullying at ang pakiramdam ng mga mag-aaral na hindi sila tanggap sa kanilang mga paaralan.
Ang pag-aaral na ito ng World Bank ay batay sa datos ng tatlong malalaking international assessments na sinalihan ng Pilipinas na isinagawa bago pa tumama ang pandemya: Ang 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2019 at Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) 2019.
Bukod sa pag-decongest ng kurikulum, nais din nating bigyang-diin ang kahalagahan ng pag-angat sa kalidad ng pagsasanay at edukasyon ng mga guro — bagay na nais matamo ng Senate Bill No. 2152 o ang Teacher Education Excellence Act. Layon ng panukalang-batas na amyendahan ang Republic Act No. 7784 upang paigtingin ang kakayahan ng Teacher Education Council (TEC) na pagbuklurin ang Commission on Higher Education (CHED), ang Professional Regulation Commission (PRC), at ang Department of Education (DepEd).
Isinusulong din ng inyong lingkod ang mas malaking papel ng mga local government units sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1579. Sa ilalim ng nasabing panukala, magiging mandato sa mga local school boards ang pagpapatupad ng mga reporma para maiangat ang kalidad ng edukasyon. Ito ay susukatin gamit ang datos mula sa mga achievement scores ng national tests, assessment tools at iba pang standardized test scores.
Bago pa man tumama ang pandemya, nasa ilalim na ng krisis ang sistema ng edukasyon sa bansa. Kaya lalo pa nating dapat paigtingin ang mga reporma upang maiwasan ang lalong pag-urong ng kaalaman ng mga kabataang mag-aaral. Tandaan na ang pagbibigay ng sapat at wastong edukasyon ay isa sa mga pinakamahalagang hakbang na maaari nating gawin upang hindi mapagkaitan ang kabataan ng magandang kinabukasan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments