ni Jasmin Joy Evangelista | September 23, 2021
Dumadaing ang mga magsasala dahil bagsak-presyo ang bentahan ng palay sa ilang probinsiya.
Ito umano ay dahil sa marami at murang imported na bigas sa bansa.
Batay sa monitoring ng Samahang Industriya ng Agrikultura (sinag), nasa P14 pesos kada kilo ang bagong aning palay sa region 1, P13.50 kada kilo naman sa region 2, at P10 kada kilo sa Mindoro.
Ito raw ay mababa kumpara sa production cost o ginagastos ng mga magsasaka sa pagtatanim hanggang sa pag-ani ng palay na P15.50 kada kilo.
Hindi raw dapat bababa sa P17 kada kilo ang bagong aning palay at hindi bababa sa P20 kada kilo ang tuyong palay, ayon kay SINAG Chairman Rosendo So.
"Ang fresh harvest dapat ibenta ng P17 para kumita sila ng P1.50/kilo. Kung ang ani nila is 4 tons, ang mangyayari niyan is 4 tons times 4,000 kilos times P1.50. May P6,000 sila sa isang ektarya kung ang presyo is fresh harvest sa P17. Ngayon P14 yung fresh harvest so lugi talaga sila," ani So.
Ayon naman kay Federation of Free Farmers National Manager Raul Montemayor, isang rason na bagsak presyo ang palay ngayon ay dahil sa madami at napakamurang imported na bigas.
Hindi rin daw nakatulong ang Rice Tariffication Law na ang pangako ay mas malaking kita para sa mga magsasaka at mas murang bigas para sa mga konsyumer.
Bagkus, ay patuloy lang na bumababa ang presyo ng imported na bigas.
Comments