ni Lolet Abania | July 12, 2022
Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) ngayong Martes na ang School Year 2022-2023 ay magbubukas ng Lunes, Agosto 22 at magtatapos ng Hulyo 7, 2023.
Batay sa kanilang school calendar, ayon sa DepEd, ang mga paaralan ay papayagan lamang na magsagawa ng blended learning schedules at full-distance learning hanggang Oktubre 31, 2022.
Simula Nobyembre 2, lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ay dapat na magkaroon ng transition period ng hanggang 5 araw para sa in-person classes.
“After the said date, no school shall be allowed to implement purely distance learning or blended learning except for those that are implementing Alternative Delivery Modes,” pahayag ng DepEd.
Ayon din sa DepEd, magkakaroon ng kabuuang 203 school days, na limitado lamang sa academics at mga kaugnay na co-curricular activities. Ang pagsasagawa ng extra-curricular activities ay mahigpit na ipinagbabawal.
Nakatakda naman ang first quarter mula Agosto 22, 2022 hanggang Nobyembre 5, 2022; ang second quarter ay mula Nobyembre 7, 2022 hanggang Pebrero 3, 2023; ang third quarter ay mula Pebrero hanggang Abril 28, 2023, at ang fourth quarter ay mula Mayo 2 hanggang Hulyo 7, 2023.
Sinabi rin ng DepEd na ang Christmas break ay magsisimula ng Disyembre 19, 2022 habang magre-resume ang klase ng Enero 4, 2023. Nakaiskedyul din ang isang midyear break na magsisimula Pebrero 6, 2023 hanggang Pebrero 10, 2023.
Kaugnay nito, isasagawa ang remedial classes mula Hulyo 17, 2023 hanggang Agosto 26, 2023.
Samantala, ayon sa DepEd ang pagsisimula naman ng SY 2023-2024 ay sa Agosto 28, 2023 hanggang Hunyo 28, 2024 habang ang SY 2024-2025 ay mula Agosto 26, 2024 hanggang Hunyo 27, 2025.
Comments