top of page
Search
BULGAR

Pagbubukas ng face-to-face classes, gawin kahit paunti-unti

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 17, 2020



Kung unti-unti na nating binubuksan ang mga negosyo habang may pandemya, dapat na ring pahintulutan na magkaroon ng limitadong face-to-face classes ang mga mag-aaral.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, isinusulong ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng ‘purok workshops’ sa mga tinatawag na ‘low-risk areas’ o mga lugar na wala o kakaunti ang kaso ng COVID-19.


Kapag sinabi nating ‘purok workshops’ ay tutungo ang mga ‘roving teachers’ o learning support aides sa mga purok upang magturo sa maliit na grupo ng mga mag-aaral na hindi lalagpas sa sampu. Ngunit siyempre, kailangan pa ring panatilihin ang health protocols tulad ng social distancing, pagsusuot ng mask at palaging paghuhugas ng mga kamay o paggamit ng alcohol.


Itong modelo ng ating panukala ay tinatawag na ‘learning pods’ na naging popular sa Estados Unidos kung saan tinitipon ang maliit na grupo ng mga mag-aaral para magkaroon ng physical social interaction ang mga bata at mahikayat silang mag-aral sa kabila ng pandemya. Binuo ang learning pods dahil maraming magulang na nagsasabing nahihirapang mag-adjust ang kanilang mga anak sa distance learning.


Hindi kaila na malaki pa ring hamon ngayon ang internet connection sa pagpapatupad ng distance learning kahit sa mga lugar kung saan dapat sana maayos o malakas ang signal ng internet, halimbawa sa mga siyudad. Ngunit kahit na maaaring gumamit ang mga mag-aaral ng self-learning modules ay may mga komplikadong subject na kinakailangan ang pisikal na paggabay ng kanilang guro.


Kung susuriin ang mapa ng COVID-19 tracker ng University of the Philippines noong Nobyembre 7, hindi lalagpas sa 500 munisipalidad ang walang aktibong kaso ng COVID-19.


Isa ring halimbawa ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan iniulat ni Bangsamoro Minister of Basic, Higher and Technical Education Mohagher Iqbal sa isang pagdinig sa Senado na 20 porsiyento lamang ng rehiyon ang may internet connection. Base naman sa datos ng Department of Health (DOH) noong Nobyembre 10, may 501 lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa buong rehiyon.


Dahil sa ganitong estado, pinaniniwalaang sa mga lugar na wala namang kaso ng COVID-19 ay malaki ang maitutulong ng mga purok workshops upang magabayan nang husto ng mga guro ang kanilang mga mag-aaral.


Sa kabila ng malaking hamong kinahaharap ng sektor ng edukasyon sa bansa lalo na’t marami pa rin sa atin ang naninibago sa sistemang ito, mahalagang makahanap tayo ng mga epektibong paraan para mas mahikayat natin ang mga bata na mag-aral habang pinag-iingat ang lahat laban sa pandemya.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page